Orcollo, Pagulayan nagparamdam na
MANILA, Philippines - Kapwa pinayuko nina dating World No. 1 Dennis Orcollo at dating world champion Alex Pagulayan ang kani-kanilang kalaban upang banderahan ang kampanya ng mga Filipino sa panimula ng 9th Annual Predator International 10-Ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Si Orcollo, na nakabye sa opening round ay dinimolisa si American Allen Hopkins, 10-2 upang maging kauna-unahang player sa ikatlong round ng prestihiyosong event na ito na magbibigay ng $20,000 cash prize sa magkakampeon.
Sa kabilang dako, dinurog naman ni Pagulayan si Melissa Little, isang lady player mula sa America, 10-3 at sinundan ng 10-5 panalo kay Kurt Kobayashi.
Apat na Pinoy ang nanalo din sa kanilang unang laban. Tinalo ni Jose ‘Amang’ Parica si Amalia Mass ng Spain, 10-7, dinaig ni Corteza si Rafael Martinez, 10-6 at ginapi ni Robert Gomez si Matt Krah sa pamamagitan ng forfeiture.
Umusad din si Warren Kiamco sa second round matapos makakuha ng bye.
Tatlo pang Pinoy ang kumakampanya sa event na ito na inorganisa ng Dragon Promotions. Kasalukuyang naglalaro pa sina Ramil Gallego, Santos Sambajon at Al Lapena habang sinusulat ang balitang ito.
Samantala, dinomina naman nina Jasmin Ouschan ng Austria at Vivian Villareal ng USA ang kanilang lalaking kalaban upang banderahan ang kababaihan sa torneong ito na humatak ng may 112 na pinakamahuhusay na cue artists sa buong mundo, kabilang ang 15 topnotch female player.
Dinimolisa ni Ouschan si Antonio Nieves ng Portugal , 10-4, habang pinabagsak ni Villareal si American Tommy Hernandez, 10-6.
- Latest
- Trending