Huling PBL semis asinta ng Cobra

MANILA, Philippines – Aasintahin ng Cobra Energy Drink ang ikaapat at hu-ling pwesto sa semis sa pakikipagsagupa nito sa Magnolia Purewater ngayong hapon para sa pagpapatuloy ng Game 2 quarterfinal series ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup sa San Juan City. 

Tangay ang lakas ng loob at enerhiya para matamo ang panalo, inaasahang magpapasiklab ang first conference Best Player na si Paul Lee para bumandera ang grupo dakong alas-3 ng hapon.

Matatandaang nakapaglista ng umaatikabong 18 points, kabilang ang four point play ni Lee na tumulak sa panalo ng Energy Warriors para patuyuin ang Magnolia, 74-67 bentahe.

Sa bakbakang ito, gagawing sandata ng bataan ni coach Neil Parado ang magandang outside shooting upang tangayin ang tagumpay.

Matapos magpakawala ng 3 mula sa 11 triples sa unang limang minuto ng 4th quarter, naigapang ng Warriors ang panalo para sa 11-0 run.

“We know they (Wizards) will make some adjustments, so we have to prepare just like what we did prior to Game 1,” wika ni Parado, na pansamantalang pumalit kay head coach Lawrence Chongson.

Bukod sa pambatong si Lee, sasandig ang tropa sa outside shooting nina James Martinez at Patrick Cabahug na bumulsa ng 11 at 10 points ayon sa pagkakasunod, sa huling laban.

Samantala, nais tutukan ni Parado ang rebounding ng Cobra sapagkat nangulelat ito sa mga nakaraang laban.

Sa kabilang banda, inaasahang popostehan ni Parri Llagas ang low post ng Magnolia sa katauhan ni Neil Raneses para pigilan ang paghihiganti ng Magnolia.

Mistulang déjà vu ang sagupaang ito, sakaling makapasok ang Energy Drinkers sa semis.

Sa nakaraang torneo, nagkaharap na rin ang Cobra (dating Bacchus) at Magnolia para sa best of three quarterfinals.

Subalit nabigo ang Bacchus kahit na nakauna ito. Nagwagi ang Magnolia para itawid sa Finals ang koponan.

Sa pagkakataong ito, kapag nanaig ang Energy sa Wizards, makakasalo nito ang early finalist na Oracle Residences, Licealiz at Pharex.

Sa pangunguna sa two-round classification phase, makakakuha ng oportunidad ang Titans na makapamili ng kakalabanin kung sino sa huling dalawang koponan ang nais nitong makaharap sa semis.

Para ipwersa ang Game 3, dapat magpakitang gilas ang tambalang Marcy Arellano at Al Magpayo na nakapag-ambag lamang ng 7 points sa Game 1. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments