Go21 team nalo sa Team Time Trial race; UBE Media team hindi natinag
SAN FERNANDO, La Union, Philippines -- Naglista ng pinakamabilis na oras si Bernard Luzon at ang kanyang Go21 team sa Team Time Trial race habang malakas pa rin ang tinapos ng Oscar Rindole-skippered UBE Media team na mapanatili ang overall team classification lead sa kalagitnaan ng 8-stage Padyak Pinoy Tour of Champions Invitational Challenge.
Nagtala ng 1:39’03.581 si Luzon at ang kanyang koponan para pagharian ang maikling TTT stage na nagmula sa Dagupan City na pampaganang ruta sa inaabangang akyating ruta sa Baguio City ng summer road spectacle na magbibigay ng P500,000 premyo sa team champion at P100,000 naman sa individual winner.
Hindi gaanong nagalaw ang team standing matapos ang 71 km TTT race na walang bisa sa individual race na binabanderahan ni Santy Barnachea ng Air21 kasunod sina Rindole, Baler Ravina ng Tanduay at Frederick Feliciano ng Cargohaus.
Ang labanan para sa pinakaasam na individual championship ay magbabalik ngayon sa pagtahak ng mga siklista sa 139 km 5th stage mula dito patungong Vigan.
Binalanse nina Luzon, Eusebio Quinones, Martin Rey, Orly Villanueva at Allan Ricafort ang lakas at tatag nila nang magkaisa ang kanilang team sa buong TTT event na tampok sa karera sa huling limang taon.
“We really worked as a team. We helped pull one another,” ani Luzon.
“We showed good teamwork in this race. Somehow, we had an advantage, being familiar with each other. In fact, Martin Rey and I were part of the team that topped the team time trial race of another event in 2007,” ani Quinones.
Tumapos naman sa ikalawa si Feliciano at ang kanyang Cargohaus team kasunod ang American Vinyl, Columbia Sportswear, Tanduay at UBE Media. Ang unang anim na koponan ay pinaghihiwalay lamang ng ilang segundo.
Samantala, inaasahan ni Gary Cayton, president ng organizing Dynamic Outsource Solutions, Inc., na mag-iinit ang labanan ngayon sa pagbabalik ng karera sa massed start.
At isa lang ang tiyak, markado na si Barnachea na may suot ng ‘MVP’ yellow jersey.
Gayunpaman, sinabi ni Barnachea na handa siyang harapin ang hamon.
“For one, I know very well the route. Secondly, I was able to relax (yesterday) so I’ll be fresh tomorrow (today),” wika ni Barnachea.
Sa Team Time Trial event, ang bawat team ay pinapaalis na may tatlong minutong pagitan simula sa umpisa kung saan unang patatakbuhin ang huling koponan at ang best time ng ikatlong rider ang balido.
- Latest
- Trending