SO far, disappointing ang performance ng Magnolia Purewater sa Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Unity Cup kung saan nahaharap ang Wizards sa isang sudden-death situation kontra Cobra Energy Drink para sa huling semifinals berth.
Bago nagsimula ang torneo ay maraming nagsabing ang Magnolia ay magiging isa sa teams to beat. Kasi nga’y sila ng Oracle Residence (dating Harbour Centre) ang naglaban sa Finals ng nakaraang torneo.
Bumaba ang bilang ng mga teams na kalahok sa kasalukuyang Unity Cup at dahil sa lima na nga lang ang naglalaban, medyo malaki ang tsansa ng Magnolia na, sa wakas, ay makapamayagpag matapos ang tatlong taong pagkauhaw sa isang kampeonato.
Nakakuha din ng ilang mahuhusay na manlalarong naidagdag sa team ang Wizards tulad ng pambatong point guard na si Marcy Arellano ng University of the East at Rogemar Menor na hindi na lalaro sa huling taon niya sa San Beda at nagpahayag na papasok sa Draft ng PBA sa Agosto.
So, kung tutuusin ay lumakas pa nga ang Wizards.
Subalit sa kabila nito’y nahirapan pa rin sila. Up and down ang kanilang kampanya sa Unity Cup at ang pinakamasaklap na nangyari sa kanila ay ang tinambakan sila ng Pharex Bidang Generix, 80-61 noong Mayo 5.
Dahil sa 19-point difference sa larong iyon, sumikip ang butas patungo sa semifinals para sa Magnolia. Nagtapos sila nang may 4-4 record sa double round classification at nakatabla ang Pharex at Licealiz Hair Doctors. Sila ang may pinakamababang quotient kung kaya’t nalaglag sila sa best-of-three playoff kontra Cobra para sa huling semifinals ticket. Nakasama naman ng Pharex at Licealiz ang Oracle sa semis.
Noong Sabado ay pinayuko ng Cobra ang Magnolia, 74-67 sa simula ng kanilang best-of-three duwelo. Kapag nakaulit ang Energy Warriors sa Martes ay tuluyan nang malalaglag ang Magnolia.
At iyon ang masaklap! Lima na nga lang ang kalahok, isa lang ang matatanggal, Magnolia pa!
Masakit para kay coach Koy Banal iyon! Masakit para kay team manager Peter Martin at sa mga big bosses ng koponan. Malaking letdown kung saka-sakali.
Pero kung sabagay, patunay lang ito na balanse ang kompetisyon sa PBL.
Isa pa’y parang deja vu ang pangyayaring ito. kasi, ang Magnolia at Cobra (dating Bacchus) ang siyang naglaban sa best-of-three semis ng nakaraang torneo. Nakauna din ang Bacchus pero nagwagi ang Magnolia sa huling dalawang games upang makatapat sa Finals ang Harbour Centre.
Hindi lang natin masabi kung ganito rin ang mangyayari ngayon. Baka maiba ang kwento!