Novo Ecijanos agaw eksena
DAGUPAN, Philippines — Napanatiling hawak ni Pangasinense rider Santy Barnachea ang ‘MVP’ yellow jersey ngunit nabigo namang pasayahin ang kanyang mga kababayan nang payagang maagawan ng eksena ng dalawang Novo Ecijanos sa Pangasinan stop ng 2009 Padyak Pinoy Tour of Champions kahapon dito.
Pinagharian ni Oscar Rindole, sinuportahan ng kanyang kapwa taga-Nueva Ecija na sina Frederick Feliciano at Joel Calderon, ang 153-kilometer race na nagsimula sa Apalit, Pampanga at nagtapos rito.
Mas pinili naman ni Barnachea, tubong Umingan, na tapusin ang yugto bitbit pa rin ang yellow jersey sa hindi niya paghahabol sa umatakeng si Rindole mula sa nine-man lead pack sa final kilometer.
Sa paglayo ni Rindole sa grupo, pinaba gal naman nina Feliciano at Calderon ang karera at hindi na umaksyon pa si Barnachea.
“My main concern was just to keep my lead in the overall individual standing. Since they’re (ang mga Novo Ecijanos) not yet major threats, I didn’t care as they fought for stage honors,” ani Barnachea.
Nasa tamang landas naman sina Rindole, Feliciano at Calderon ukol sa paglapit sa leader board sa kalahati ng tour na itinataguyod ng Tanduay kasama ang Smart-PLDT ni Manny V. Pangilinan at ang Air21 ni Bert Lina bilang mga major sponsors.
Mula sa No. 4, umabante ang 26-anyos na Navyman na si Rindole sa No. 2 spot, habang lumapit naman sa No. 5 si Feliciano buhat sa No. 8 at nasa No. 6 si Calderon galing sa No. 10.
Bagamat naungusan ni Rindole ng 25 segundo sa stage, patuloy pa ring hawak ng two-time Tour king na si Barnachea ang individual lead sa likod ng kanyang 19-second overnight lead kasunod sina Arnel Quirimit at Baler Ravina. (Nelson Beltran)
- Latest
- Trending