Cebu binigo ng Manila

MANILA, Philippines – Tinapos ng Manila ang tatlong dikit na pagpapanalo ng Cebu sa pamamagitan ng 3-1 panalo sa Baseball Philippines Series V kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Pinatahimik ni Joseph Albindo ang mga batters ng Dolphins habang sina Rommel Roja at Roel Empacis ay bumanat ng tig-isang RBI upang ipalasap sa Dolphins ang unang pagkatalo sa apat na laro.

May ibinigay lamang na three hits si Albindo sa anim na innings na pagpukol para igiya ang Sharks sa ikalawang puwesto sa anim na koponang liga sa 4-1 baraha.

Sisikapin ng Manila na makadalawa sa Dolphins sa muling pagkikita nga-yong ika-7 ng umaga.

Tinapos naman ng Dumaguete Unibikers ang tatlong sunod na kamalasan sa pamamagitan ng 12-3 pagdurog sa Alabang Tigers.

Kinatampukan ang panalo ng isang three-run homerun ni Marlon Caspillo sa sixth inning upang makaahon buhat sa 1-2 pagkakalubog.

Ito ang kinailangan ng Unibikers dahil umiskor pa sila ng pinagsamang walong runs para makapasok sa win column.

Ang Alabang ay na-laglag naman sa 1-4 karta para sa ikalimang puwesto sa torneong inorganisa ng Community Sports Inc.


Show comments