MANILA, Philippines – Maagang namalaam si Alex Pagulayan sa kanyang kampanya na maging kauna-unahang back-to-back champion sa World Pool Masters nang igupo siya ni Nick van den Berg ng Holland, 8-2 sa unang laban ng torneo sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas Nevada.
Hindi man lang nakalapit si Pagulayan sa European champion na maagang kinontrol ang laban mula sa simula.
Matapos mapagwagian ang lag, na ran out ni Van den Berg ang unang dalawang racks. Nagmintis sa blue-2 sa ikatlong frame ay nakatiyempo si Pagulayan at nakuha ang 3-9 comibination para sa kanyang unang puntos.
Napuwersa naman ang 2004 World Pool champion na i-safety sa sumunod na rack ngunit nalusutan ng Dutchman ang eksena para sa 3-1 abante.
Ibinulsa ni Van den Berg ang sumunod na tatlong racks para sa limang puntos na bentahe at pigilan si Pagulayan hanggang tuluyang sumuko ang Pinoy para sa kanyang paghahangad sa $20,000 pangunahing premyo.
Ang kabiguan ni Pagulayan ay nag-iwan kay dating World No. 1 Dennis Orcollo na bitbitin ang Pambansang bandila sa prestihiyosong event na humatak ng 16 na pangunahing cue masters sa buong mundo.
Sisimulan ni Orcollo ang kanyang kampanya kontra sa Canadian na si Tyler Edey.
Sina Pagulayan at Orcollo ay lalahok din sa 9th Annual Predator International 10-Ball Championship na magsisimula sa Martes.
Makakasama nila sina Roberto Gomez, Francisco “Django” Bustamante, Warren Kiamco, Lee Van Corteza, Rodolfo Luat, at Jose “Amang” Parica.