UST pasok na sa q'finals
MANILA, Philippines - Sa pinagsamang puwersa nina Mary Jean Balse at Michelle Carolino, nakabuo ng 25 hits produksyon ang dalawa, naitumba ng University of Sto. Tomas ang nagkukumahog na Lyceum sa iskor na 25-18, 18-25, 25-12, 25-20, para maagang masikwat ang unang puwesto sa quarterfinals ng sixth Shakey’s V-League sa The Arena noong Huwebes.
Sa tulong ng set-up ni Rhea Dimaculangan, nakagawa ng matitinding atake ang tambalang Balse-Carolino na tumapos ng 59 points para pabagsakin ang Lady Pirate at iusad ang Lady Tigress sa susunod na round.
Kasama ni Aiza Maizo na nagtala ng 11 hits, nagrehistro rin si Maika Ortiz ng 9 points para panghawakan ng UST ang 5-1 kartada.
Sa kabaligtaran, ang Lyceum ay nalubog na sa 1-6 marka na bumalewala sa 10 hits na kontribusyon nina Dahlia Cruz at Joy Cases.
Sa pangunguna ng UST, naluklok sa ikalawang puwesto ang San Sebastián (4-1) kasunod ang defending champion Adamson (3-1) at Ateneo Ora-Care (3-2) na makikipagbuno para umabante sa susunod na round ng ligang suportado ng Accel, Mikasa at OraCare.
Ang top provincial teams na makakalaro sa quarterfinals ay University of St. La Salle-Bacolod at University of San Jose-Recoletos ng Cebu.
Magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa pagtitipan ng FEU at Adamson University sa alas-4 ng hapon na agad susundan ng bakbakan ng Ateneo-OraCare at UP sa alas-4 ng hapon. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending