Mag-Ingat Si Mayweather
Nakatakda na sa Hulyo ng paghaharap ni Floyd Mayweather, Jr. at Juan Manuel Marquez sa compromise weight na 143 pounds. Ito ang natatanging paraan para makuha ni Marquez ang pinakamimithi niya: isa pang laban kontra kay Manny Pacquiao.
Sumisingaw na ang yabang ni Mayweather, maging sa pagpili ng oras ng kanyang pagbabalik. Itinaon pa niya sa panahon ng laban ni Pacquiao at Ricky Hatton. Agaw-eksena, kung baga. At ang porma ni Mayweather, puro angas ang dating. Habang nakakayanan pa ni Marquez na ngumiti, parang nambabastos si Pretty Boy Floyd.
Hindi malunok ni Dinamita ang kanyang pagkatalo kay Manny Pacquiao sa isang split decision noong Marso, 2008. Kung hindi dahil sa knockdown sa ikatlong round, naging split draw sana ang hatol, at nanatiling WBC superfeatherweight champion pa rin si Marquez. Mula noon, wala siyang inisip kundi balikan si Pacman.
Nang umakyat sa lightweight ang Pinoy, sumunod si JMM. Halos tadtarin niya ang kinatatakutang si Joel Casamayor sa 11 round, unang pagkatalo ni Casamayor sa pamamagitan ng knockout sa loob ng 41 laban. Sa huling laban ng Cuban, binugbog niya sa sampung round si Michael Katsidis, ang unang pagkatalo ng Greek-Australian.
Samantala, mula nang labanan ni Mayweather si Oscar dela Hoya noong Mayo, 2007, idinagdag niya sa kanyang listahan ng mga biktima si Ricky Hatton, unang talo ng British idol sa 46 na laban. Laging kahanga-hanga si Mayweather, bagamat kung minsan ay parang depensa lang ang kanyang inaatupag.
Sa tingin ng marami, malaking pagkakamali ang pagtanggap ni Mayweather ang pagbaba ng timbang. Mula 2005, hindi na bumaba sa welterweight si Mayweather, samantalang 3 pounds lang ang iaakyat ni Marquez. Baka iniisip ni Mayweather na “tune-up” lamang ang Meksikano. Dyan siya nagkakamali.
Sa lahat ng makakalaban ni Mayweather, si Dinamita ang magpapakamatay upang bawiin ang dignidad na, sa palagay niya, inagaw ni Pacquiao. At hindi siya titigil hangga’t nakuha niya ang pagkakataong iyon, kahit sagasaan niya si Mayweather.
- Latest
- Trending