MANILA, Philippines - Muli na namang tinanghal na PBL Player of the Week ang Licealiz rookie na si Josh Vanlandingham matapos bumida sa mga nakaraang laro na nagsimula ng Abril 28-30 ng 2009 PG Flex Unity Cup.
Sa huling dalawang kumperensya, nagtala ng season high 32 points si Vanlangdingham, sapat para walisin ang Cobra Energy Drink, 92-84, noong Huwebes. Nalagpasan na ng Fil -Am discover ni datingHapee coach, Gee Abanilla, ang 27 points na tinala ni Paul Lee sa nakalipas na torneo.
Pinamunuan ni Vanlandingham ang koponan para maiuwi ang ikatlong panalo, nang bumuhat ito ng 19 points sa loob ng isang quarter, para lumikha ng sariling all-time rekord kahilera nila Welcoat Paints stars, Jojo Tangkay (2004) at Renren Ritualo (2002) na gumawa naman ng 20 points.
“Josh (Vanlandingham) is a great shooter, he’s getting better every game,” ayon kay Licealiz coach Egay Macaraya.
Kasalukuyang nasa ikalawang pwesto ang Licealiz, bitbit ang 4-3 baraha. Pinangunahan ni Vanlandingham ang Hair Doctors na umiskor ng 14 points para pauwiing luhaan ang Pharex sa overtime sa naganap na salpukan.
Sa huling dalawang laban, nag-ambag si Vanlandingham ng 23 points, 6 rebounds, at 1.5 assists. (Sarie Francisco)