Beermen dinungisan ng Rain or Shine
TACLOBAN, Philippines – Nakabangon ang Rain or Shine sa malamyang panimula para pigilan ang kani-lang pagbagsak at dungisan ang San Miguel sa pamamagitan ng 82-78 panalo sa kanilang Motolite PBA Fiesta Conference road game sa Tacloban Convention Center kagabi.
Umisor ng game-high 25 puntos si Jai Lewis, kabilang na ang game-clinching na dalawang freethrows sa huling 3.2 segundo at pigilan ng Elasto Painters ang kanilang four-game losing skein habang ipinalasap naman sa Beermen ang kanilang kauna-unahang kabiguan sa siyam na asignatura sa torneo.
Hindi maganda ang pani-mula ng Elasto Painters at nakuha lamang ang unang basket sa tres ni Ryan Araña makalipas ang anim na minuto sa umpisa ng laro.
Ngunit nagpakita ng tiyaga sina Lewis at mga kakampi hanggang sa mabaligtad nila ang lahat makaraang maagaw ang trangko sa 40-35.
Umabante pa sila ng 10 puntos ng dalawang beses at nagpakatatag sa paghahabol ng Beermen patungo sa endgame at makumpleto ang panalo upang makaalpas sa four-way logjam sa ikaapat na puwesto kasama ang Burger King Whopper, Barangay Ginebra Kings at Talk N Text Tropang Texters.
Napaganda ng Rain or Shine ang kanilang record sa 6-5 at may kalahating laro sa likuran ng magkasosyo sa second placers na Sta. Lucia Realtors at Purefoods Tender Juicy Giants.
Nagtangkang magrally ang Beermen mula sa 67-77 deficit ngunit nabalewala ang kanilang pagsisikap sa krusiyal na mali ni Gabe Freeman sa closing seconds.
Naiwan sa 78-80 ang San Miguel nang matawagan ng illegal travel si Freeman.
Maganda ang depensa ng Beermen kay Sol Mercado na nagpuwersa sa Rain or Shine na matawagan ng five-second ball-hogging violation.
Ang depensa ng San Miguel kay Mercado ay napapanahon nang humatak ng 11-4 ang Beermen na isinelyo ng tres ni Freeman at makalapit sila sa 78-80 may 22.7 segundo na lang ang nalalabi.
Gayunpaman, hindi na napigilan ang Elasto Painters na makaganti sa kanilang 95-102 kabiguan sa Beermen sa kanilang unang pagtatagpo sa torneo.
Kinilala ngayon ang Rain or Shine sa pagiging unang team na tumalo sa San Miguel sapul nang mabigo ito sa one-game playoff para sa third place ng Sta. Lucia sa nakalipas na Philippine Cup.
TIia handa ang Beermen sa pananalasa nang magsimula sila sa laro na may 16-0 run at kunin ang unang quarter sa 27-14.
Samantala, magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Cuneta Astrodome sa pagtitipan ng Barako Bull at Coca-Cola Tigers sa alas-4 ng hapon na kaagad susundan ng engkuwentro ng Alaska Milk Aces at Burger King Whoppers sa alas-6:30 ng gabi.
Asam ng Whoppers ang ikaanim na panalo at ikalima naman sa Aces.
Rain or Shine 82 – Lewis 25, Laure 9, Norwood 9, Mercado 8, Araña 7, Ibañes 6, Dulay 6, Isip 5, Reyes 4, Salangsang 3, Wainwright 0, Andaya 0.
San Miguel 78 – Hontiveros 15, Freeman 14, Ildefonso 11, Washington 8, Racela 8, Villanueva 7, Pennisi 5, Peña 4, Gonzales 3, Pingris 1, Custodio 0, Calaguio 0.
Quarterscores: 14-27, 40-35, 68-64, 82-78.
- Latest
- Trending