Pacquiao-Hatton fight mapapanood ng libre sa iba't ibang lugar
MANILA, Philippines – Maliban sa Iloilo, libre ring makakanood ang mga mamamayan ng Negros Occidental at Bacolod City ng laban ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at Briton Ricky Hatton.
Ito ang ulat ng online news site Visayan Daily Star kaugnay sa aktibidad sa dalawang lungsod sa araw ng pakikipagharap ni Pacquiao kay Hatton.
Kaugnay nito, ipinag-utos naman ng Negros Occidental Police Provincial Office sa kanilang mga tauhan na maging alerto sa masasamang elemento na maaaring magsamantala sa mababakanteng kabahayan.
Sinabi ni provincial police director Superintendent Manuel Felix na susubaybayan ng kanyang kapulisan ang kapaligiran para matiyak ang kaligtasan ng mga Negrenses.
Inalerto rin ang apat na Provincial Mobile Groups kasama pa ang Philippine Army at ang 6th Regional Mobile Group.
Ayon kay Felix, gusto niyang maging matiwasay ang kalagayan ng lungsod habang abala ang mga tao sa panonood ng laban ni Pacquiao kay Hatton.
Nagtayo naman ang pamahalaan ng Bacolod City ng libreng panooran sa BAYS Center at sa multi-purpose centers sa Alijis, Handumanan, Tangub, Granada, at Banago villages.
Ang delayed telecast naman ay maisasaere sa Central, Burgos at Libertad Markets. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending