Bustamante, Gallego, Kiamco at Gomez umusad

Santiago City—Iginupo nina dating leg winners Francisco ‘Django’ Bustamante, Ramil Gallego, Wareen Kiamco at Roberto Gomez ang kani-kanilang kalaban sa second round at umu-sad sa kanilang kampanyang makamit ang ikalawang leg title habang nanatiling buhay ang pag-asa ni Efren ‘Bata’ Reyes sa kanyang pagtarget sa unang titulo sa Manny Villar Cup Isabela Leg sa La Salette High School Gymnasium dito.

Sinundan ni Bustamante ang kanyang 9-4 panalo kay Emil Martinez sa first round sa pamamagitan ng 9-1 panalo kay dating national champion Lee Van Corteza sa pag-usad ng 46 anyos na dating world No. 1 sa pagduplika sa kanyang Baguio-Panagbenga leg ng seryeng ito na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.

Dinimolisa naman ni Gallego, ang Bulacan leg champion, si Richard Pornelosa, 9-2 para sa kanyang ikalawang sunod na magaan na panalo matapos ang 9-4 tagumpay kay Abib Cullanan sa opening ng tatlong araw na torneong coorganized ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, itinataguyod ng Camella Communities at may basbas ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.

Pinayuko naman ni 2008 Alabang leg champion Kiamco, si double world titlist Ronnie Alcano, 9-4, habang ang Davao leg winner na si Gomez naman ay namayani kay Michael Feliciano, 9-6. Napagwagian din ni 2007 World Pool championship runner –up ang kanyang unang round ng laban kontra kay local qualifier Alvin Alcantara, 9-7.

Ginamit ni Reyes ang kanyang malawak na karanasan sa pagdispatsa kay Carlo Biado, 9-6 para sa kanyang ikatlong sunod na quarterfinal stint sa Villar Cup.

Nakapasok din sa Last 8 sina Ruben Cuna na nanaig kay Jomar de Ocampo, Elmer Haya na sinilat si Cebu leg titlist Gandy Valle, 9-4 at Rene Mar David na nanaig kay local qualifier Allan Bravo, 9-6.

Kasalukuyang nilalaro pa ang quarterfinals at semifinals habang sinusulat ang balitang ito.


Show comments