Reyes at Valle nagturo ng kalaban
Santiago City, Philippines —Tinuruan ng leksiyon nina Efren “Bata” Reyes at Gandy Valle ang kani-kanilang kalaban upang banderahan ang mga nagwagi sa unang round ng Manny Villar Cup Isabela Leg na nagbukas kahapon sa La Salette High School Gymnasium dito.
Dinimolisa ni Reyes si Jharome Peña, 9-2, upang matagumpay na simulan ang kanyang kampanya sa kauna-unahang titulo sa prestihiyosong serye na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.
Si Valle, ang top seed sa torneo, ay dinispatsa naman si local qualifier Joseph Calata, 9-4 upang umabante sa second round at palakasin ang kanyang kampanya para sa ikalawang Villar Cup title makaraang maghari sa Cebu leg noong Hunyo ng nakaraang taon.
Napagwagian ng 54 anyos pool icon ang lag at unang tatlong racks upang maagang kontrolin ang laban. At hindi na ito nakatanggap pa ng hamon mula kay Peña makaraang umiskor lamang ito ng isang rack sa ikaapat na frame sa torneong katulong na inorganisa ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines, itinataguyod ng Camella Communities, at may basbas ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.
Nakasama nina Reyes at Valle sa maagang pagpuwesto sa Last 16 sina Carlo Biado at Elmer Haya.
Tinalo ni Biado ang Manila qualifier na si Jomel Sultan, 9-6, habang pinayuko naman ni Haya, si 2008 Search for the New Billiards Idol grand winner Mike Takayama, 9-7.
Isang simpleng seremonyas ang naghudyat sa panimula ng torneo na dinaluhan ng mismong si Senator Villar na humamon rin sa mga aspiring billiards players na ipakita ang lahat ng kanilang kakayahan.
- Latest
- Trending