UST solo lider; SSC wagi
MANILA, Philippines - Umiskor naman ng ikatlong sunod na tagumpay ang UST makaraang igupo ang baguhang University of the Philippines at makuha ang solo liderato sa kanilang paghaharap kahapon sa 6th Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Nagtulong sina guest player Mary Jane Balse at Judy Ann Caballejo na nagpakawala ng 15 at 14 hits, ayon sa pagkakasunod habang nakaipon naman ng 10 puntos si Aiza Maizo, bagamat nagpapagaling pa ito sa kanyang ankle sprain, para sa Tigers na umaasam ng kanilang ikapat na kampeonato sa pangunahing volleyball league sa bansa.
“They (UST) enjoyed the game and was able to establish good reception,” ani UST assistant coach Norman Miguel na pansamantalang humalili kay coach Cesael Delos Santos, na nasa Palarong Pambansa sa Tacloban.
Sa naunang laro, wagi ang grupo ng San Sebastian College kontra Lyceum matapos ipamukha sa Lady Pirates ang angking husay, 24-26, 25-21, 25-15, 22-25, 15-5.
Pinangunahan ni Laurence Ann Latigay ang pagpalo para sa deciding game upang butasin ang depensa ng kalaban na nagbigay ng 10-3 lead para sa Lady Stags.
Sa paghihiganti ng Lady Stags, champion ng nakaraang kumperensya, sumosyo ang SSC sa defending champion Lady Falcons sa ikatlong pwesto, hawak ang 2-1 baraha.
Samantala, nalugmok na sa huling pwesto ang Lyceum na may 0-4 at kinakailangang manalo sa huling tatlong laban para manatili sa last quarterfinal ng single round elims ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision, Accel, Mikasa at Oracare. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending