Manila, Batangas magkasosyo sa liderato
MANILA, Philippines - Dinomina ng Manila at Batangas ang karibal nilang Taguig at Alabang upang manatiling magkasalo sa liderato sa Baseball Philippines Series V kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Tatlong runs buhat sa dalawang hits ang ginawa ng Sharks sa fourth inning upang isantabi ang naunang run ng Patriots sa first inning tungo sa 9-2 dominasyon na pang-follow-up ng Manila sa kinuhang 9-6 tagumpay nitong Sabado sa parehong koponan.
Tinapos ng Sharks ang magandang ipinakita sa pamamagitan ng apat na hits at limang runs sa sixth inning at si Jennard Pareja ay mayroong two-run single at isang run ang naipasok pa ni Christian Galedo.
Hindi naman nagpahuli ang Bulls upang makasalo sa liderato sa torneong inorganisa ng Community Sports Inc. at suportado ng Gatorade, Industrial Enterprises Inc., Philippine Transmarine Carriers Inc, Harbour Centre at Heritage Park.
Dalawang RBIs ang ginawa ni Junifer Pinero na nakatulong sa pinakawalang limang runs ng Bulls sa middle innings tungo sa 5-3 panalo sa Alabang.
Ang panalo ay kasunod ng naitalang 11-3 tagumpay ng Batangas nitong Sabado upang mamuro kasama ng Manila sa hangaring awtomatikong puwesto sa semifinals sa 2-0 karta.
Ikalawang sunod na kabiguan naman ang nalasap ng Taguig at Alabang sa pangyayari.
- Latest
- Trending