Ikatlong titulo target ni Peñalosa vs Lopez

MANILA, Philippines – Ibinandera ni Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico ang matayog na 24-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 22 KOs.

Ngunit para kay Filipino challenger Gerry Peñalosa, isa lamang ordinaryong boksingero para sa kanya ang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight champion.

“To me he is just a basic fighter,” sabi ng 36-anyos na si Peñalosa sa 25-anyos na si Lopez. “I’ve seen it all in my career and I’m confident I will defeat him.”

Puntirya ang kanyang ikatlong world boxing title, sasagupain ni Peñalosa si Lopez ngayon sa Ruben Rodriguez Coliseo sa Bayamon, Puerto Rico.

Ibabandera ng pambato ng San Carlos City, Cebu ang kanyang 53-6-2 (36 KO’s) card.

Ito ang ikalawang pagkaka-taon na tatangkain ni Peñalosa na makuha ang WBO super bantamweight belt makaraang mabigo kay Mexican Daniel Ponce De Leon via unanimous decision noong 2007.

Pinatulog naman ni Lopez si Ponce De Leon sa first round noong 2008 upang agawin ang nasabing korona patungo sa kanyang ikatlong pagdedepensa laban kay Peñalosa.

“I prepare well for twelve rounds and that my last three fights have lasted three rounds is not my fault,” ani Lopez sa kanyang kahandaang lumaban hanggang 12 rounds na siyang gustong mangyari ni Peñalosa. “If the fight goes longer than four I assure you that any way I’m gonna be victorious and the longer the fight goes the more he’s gonna be damaged.”

Bago targetin ang WBO super bantamweight crown ni Lopez, naghari muna si Peñalosa sa World Boxing Council (WBC) super flyweight at sa WBO bantamweight division.

Ang eksperyensa ang sinasabing gagamitin ni Peñalosa laban kay Lopez.

“I’m stronger than him, physically it’s evident, I’m younger. The experience, it’s just about not letting it put pressure on me, not let it get me uncomfortable, fight round by round calmly,” ani Lopez. (Russell Cadayona)


Show comments