Lyceum bubuweltahan ng Adamson
MANILA, Philippines – Hangad ng defending champion Adamson University na makabangon muli mula sa kabiguan kontra UST.
Inaasahang ipapalasap ng Lady Falcons ang kanilang bangis sa pakikipagtipan nila sa Lyceum sa unang laban ng Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Pinatunayan ng Lady Falcons ang angking titulo ng pataubin nito ang Ora Care sa pagbubukas ng liga.
Subalit hindi ito naging matagumpay sa paglikha ng malinis na kartada ng sirain ng Lady Tigress ang momentum ng koponan sa pamamagitan ng four-set win noong Huwebes.
Bunsod nito, naikasa ng UST at FEU ang pangunguna sa torneo na taglay ang 2-0 baraha.
Ngunit hindi rin padadaig ang bataan ni Dulce Pante sa Lady Pirates na wala pang naitatalang panalo.
Samantala ang kawalan ni reigning MVP Nerissa Bautista ang nakikitang butas ng Lyceum para masungkit ang unang tagumpay at makaupo sa semis ng single round elims phase ng torneong handog ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.
Asam ng St. Benilde ang malaking follow up win nito matapos payukurin ang University of the Phils. sa loob ng limang set noong Huwebes.
Aasahan rin ang paghakot ng puntos ng SSC para makapaghiganti matapos ilampaso ng UST sa opening game.
Nakatakda ang sagupaan ng CSB at SSC sa ganap na alas kwatro ng hapon.
Ipagpapatuloy ng grupo ni coach Thelma Barina-Rojas ang magandang simula para mailusot ang panalo ng CSB sa pamamagitan ng guest player Maureen Penetrante at mainstays Cindy Velasquez, Joy Mulingtapang Zharmaine Velez at Kara Agero.
Samantala mamaniubrahin naman ng last conference’s champion, SSC, ang laro sa pamamahala nina Suzanne Roces, Rysabelle Devanadera, Charisse Ancheta, Analyn Benito, Margarita Pepito at Laurence Ann Latigay. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending