2 Pinoy undercard sa Pacquiao-Hatton fight
MANILA, Philippines - Bago pa pakawalan ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang kanyang mga suntok kay Briton Ricky Hatton ay dalawang Pinoy boxers muna ang papagitna sa boxing ring.
Nakatakdang harapin ng beteranong si Dennis Laurente ang dating sparmate ni Pacquiao na si Marvin Cordova sa isang eight-round, lightweight fight sa May 1 sa Hard Rock Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Dinadala ni Laurente ang 30-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 16 KOs kumpara sa malinis na 20-0-0 (11 KOs) ni Cordova.
Ilang beses nang kinuha ni trainer Freddie Roach si Cordova para maging sparring partner ni Pacquiao sa mga pagsasanay nito sa Wildcard Boxing Gym sa Hollywood, California.
Matapos ang laban ni Laurente kay Cordova, si super bantamweight sensation Bernabe Concepcion naman ang aagaw ng eksena sa undercard ng Pacquiao-Hatton championship fight sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Makakaharap ni Concepcion si Radn Yogli Herrera ng Colombia sa isang 10-round featherweight duel.
“Mabuti na nga lang naisama pa rin sa undercard ni Manny,” sabi ng 21-anyos na si Concepcion.
Dahilan sa injury ni World Boxing Organization (WBO) featherweight champion Steven Luevano, nabalam ang sinasabing pagsikat ni Concepcion.
“Basta laban lang tayo,” sabi ng pambato ng Virac, Catanduanes na may 28-1-0 (16 KOs), kontra sa 26-anyos na si Herrera (22-7-0, 15 KOs).
Bago sagupain si Concepcion, apat na sunod na kabiguan ang pinagmulan ni Herrera, ang huli ay kay Alejandro Lopez via unanimous decision.
Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon, isang lalaki ang kakanta ng National Anthem sa laban ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Sa panayam kahapon ng Philippine Entertainment Portal kay Martin Nievera, sinabi nitong ayaw niyang basagin ang tradisyon na mga babae ang kumakanta sa “Lupang Hinirang” sa mga laban ni Pacquiao.
Bago siya pinili ng 30-anyos na si “Pacman”, inalok muna ni Broadway star Leah Salonga ang kanyang serbisyo. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending