Lady Blazers wagi sa Lady Maroons

MANILA, Philippines – Lumikha ng matinding ingay ang College of St. Benilde matapos talunin ang University of the Philippines sa kapana-panabik na salpukan kahapon sa pagpapatuloy ng 6

th

season Shakey’s V-League sa Flying V Fil Oil Arena, San Juan City.

Tinapos ng Lady Blazers ang hangad ng Lady Maroons na makamit ang panalo makaraang pataubin ito sa five setter game, 17-25, 25-20, 18-25, 25-22, 15-9.

Isang inspirational win ito para sa CSB, na nagtamo lamang ng isang panalo sa 14 na laban sa kumprensya ng nakaraang taon, na pinagreynahan ng San Sebastian College.

Pinagsumikapan ng koponan sa halos dalawang oras na laban na makamit ang tagumpay, para ipakilala ang bagong coach na si Thelma Barina-Rojas, head coach ng RP team ngayong taon para sa SEA Games na gaganapin sa Laos.

“We are still adjusting that’s why I tried to come up with new combinations,” ani Thelma Barina-Rojas, na miyembro rin ng national team na nag-uwi ng ginto sa SEA Games noong 1993 sa Singapore.

Pumalo naman si guest player Maureen Penetrante ng 20 point performance, kabilang ang 17 kills at two service aces para walisin ang kalaban. Kapwa naglista rin ng 13 hits sina Cindy Velasquez at Gina Yuma para isiguro ang tagumpay ng laban.

Kumama rin ng double figures ang de kalibreng alas ng UP sa pamumuno ni Rubie de Leon na umiskor ng 16 hits, na sinuportahan ang lakas ng opensa nila Rebecca Montero na naglista ng 15, at Danielle Cataneda at Sothlyn Ramos, parehong umatake ng 12 puntos. .

Ito ang ikalawang pagkabigo ng UP para sa torneong pinamamahalaan ng Shakey’s Pizza, Sports Vision at suportado ng Mikasa, Accel at Ora Care. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments