Media workout ipinatawag ni Peñalosa

MANILA, Philippines – Isang araw matapos dumating sa Puerto Rico, isang media workout ang agad na ipinatawag kahapon ni Filipino world two-division champion Gerry ‘Fearless’ Peñalosa sa Wilfredo Gomez Gym sa Guaynabo.

Ayon kay Peñalosa, hindi siya dumayo sa Puerto Rico para magpatalo lamang kay Puerto Rican world super bantamweight titlist Juan Manuel Lopez.

“I have trained very hard for this fight, because I know how hard this fight is going to be,” wika ni Peñalosa. “Lopez is a great champion and I will have to be at my best to defeat him and I will be at my best on Saturday.”

Nakatakdang hamunin ng 36-anyos na si Peñalosa ang 25-anyos na si Lopez para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown sa Abril 25 (US time) sa Ruben Rodriguez Coliseo sa Bayamon.

Ibinabandera ni Peñalosa, hangad ang kanyang ikatlong world boxing title matapos maghari sa super flyweight at bantamweight divisions, ang 54-6-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, habang dala naman ni Lopez ang malinis na 24-0-0 (22 KOs) card.

Halos isang oras nagpapawis si Peñalosa sa boxing gym kaagapay ang kanyang mga kapatid at trainer na sina Jonathan at Carlos at ang manager niyang si Billy Keane.

“I really like this fight against Lopez, it’s good for my style and it should be a war. I going in to win round by round and I have to stay focused at all times,” wika ni Peñalosa.

Nakaiskedyul naman ang huling press conference sa Biyernes sa El San Juan sa Isla Verde sa Tropicoro room. (Russell Cadayona)


Show comments