NAGA CITY, Philippines – Inaasahan ang mainit na aksiyon ngayon sa pagpagitna ng mga events na naka-iskedyul ngayon sa PRISAA National Games.
Ipapamalas ng mga mahuhusay na colleigate athletes mula sa 17 rehiyon ang kani-kanilang tikas at husay sa pagsisimula ng athletics at swimming sa malawak na Metro Naga Sports Complex.
Pinuri ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang organizers ng PRISAA para sa 100 porsiyentong partisipasyon ng regional contingents matapos ang pormal na pagbubukas ng event kahapon sa University of Nueva Caceres Sports Palace sa downtown Naga.
“While we living during challenging economic times, you athletes are our examples of discipline, hard work and teamwork that will eventually pull us Filipinos through,” wika ni Mrs. Arroyo sa inaugural rites ng event na hatid ng Commission on Higher Education at Philippine Sports Commission.
Ilan sa mga dumalo sa palaro ay sina CHED Chairman Emmanuel Angeles, PSC Chairman Harry Angping, Naga City Mayor Jesse Robredo, Press Secretary Serge Remonde, Budget Secretary Rolando Andaya Jr. at Rep. Dato Arroyo.
Noong Lunes nagsimula na ang basketball at volleyball games sa Metro Naga Sports Complex dahil sa dami ng bilang ng koponan na kalahok sa kani-kanilang events na suportado din ng Smart Sports at San Miguel Corporation.
Nakatakda naman ngayong Martes ang baseball, sepak takraw at women’s softball.
Ang badminton at lawn tennis ay gaganapin sa Naga Civic Center, chess sa Naga College Foundation, habang ang dance sports, ay isang araw na contest, at ang karatedo at table tennis ay ilalaro naman sa University of Nueva Caceres.
Nakatakda naman sa Biyernes ang Mutya ng PRISAA pageant tampok ang muse mula sa 13 regions.