Burger King ubos sa Ginebra

MANILA, Phillippines - Nahirapan mangapa si David Noel ngunit nagtrabaho ng husto para ilista ang triple-double performance at hatakin ang Barangay Ginebra sa 100-94 panalo laban sa Burger King sa Motolite PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome, kahapon.

Si Noel, dating North Carolina Tar Heel player at pumalit kay Rod Nealy, ay kumana ng 6-0f-16 field goal shooting ngunit tumapos na may 22 puntos, 17 rebounds at 10 assists upang tulungan ang Kings na palawigin ang kanilang panalo sa tatlong laro at iangat ang baraha sa 4-5 panalo-talo.

Malaki ang naging kontribusyon nina Eric Menk at Jayjay Helterbrand para sa Kings at abutan ang Whoppers sa ikaanim na puwesto sa likuran ng San Miguel Beermen, Sta. Lucia Realtors, Talk N Text Tropang Texters, Rain or Shine Elasto Painters at Purefoods Giants.

Nakaganti na ang Ginebra sa kanilang kabiguan sa Burger King, 110-103 nang una silang magtapat.

Tumapos si Menk ng may 22 puntos at 6 rebounds habang nag-ambag naman ng 19 puntos at 8 assists at 3 rebounds si Helterbrand.

“We still don’t know the strengths of Noel. But from the look of things, he’s a hard worker,” patungkol ni Ginebra coach Jong Uichico sa kanilang bagong import.

Samantala, kasaluku-yang naglalaro pa ang Talk N Text at Rain or Shine, habang sinusulat ang balitang ito.

Sa kaugnay na balita, hindi makakalaro sa All-Star sa Victorias, Negros Occidental si Danny Ildefonso na sasamahan ang kanyang may sakit na anak.


Show comments