MANILA, Philippines - Mas mataas ang naging lipad ng Adamson Lady Falcons makaraang ilampaso ang Ateneo-OraCare Lady Eagles sa pagbubukas ng 6th season ng Shakey’s V-League kahapon sa Fil Oil Flying V Arena sa San Juan City.
Matitinding palo ang pinatikim ng guest player na si Nerissa Bautista na umiskor ng 14 kills para sa 15 point performance, samantalang nag-ambag naman ng 14 puntos si Angela Banting para sa unang panalo ng Lady Falcons.
Kinontra ng Lady Falcons ang paglulunsad sa Ateneo-OraCare Thai import na si Keawbundit Sontaya, na nakagawa lang ng 12 atake.
Kumana rin si Rissa Jane Laguilles ng 10 hits para sa Adamson.
Maagang nagpasiklab ang Lady Falcons sa magandang teamwork nina Jill Gustillo, Paulina Soriano at alumna Janet Serafica para sa kanilang kampanyang maibalik ang dominasyon sa liga.
Ngunit hindi naging madali para sa Lady Falcons ang lahat nang magbigay ng mabigat na laban ang Ateneo belles sa mahusay nilang depensa.
Gayunpaman, hindi nagging sapat ang pagsisikap ng Lady Eagles nang higit na mas magpakita ng katatagan ang Adamson.
Sa ikalawang laro, mabilis na bumangon ang University of Santo Tomas mula sa dalawang set na pagkakatabla at igupo ang last conference champion San Sebastian College, 25-17, 25-19, 15-25, 13-25, 15-11, at makasama ang Adamson University sa maagang panalo.
Nagpakawala ng 22 hits kabilang ang 18 kills si guest player Michelle Carolino habang nag-ambag naman sina Mary Jean Balse at Abigail Co ng 15 at 12 hits ayon sa pagkakasunod
Pinangunahan ni US Ambassador Kristie Kenney ang pagbubukas ng liga na sinuportahan ng Shakey’s Pizza, Sports Vision, Accel, Mikasa at OraCare. (Sarie Nerine Francisco)