MANILA, Philippines - Humakot ng tatlong hits sa ikaapat na inning ang Tanauan kahapon upang umiskor ng 3-2 panalo laban sa ILLAM, para sa Big League baseball crown sa 2009 Philippine Series.
Kumana ng line-drive triple sa right center si Amber Plazana nagbigay sa Tanauan ng 3-1 abante sa fourth inning. Tinangkang bumangon ng ILLAM ngunit ang tanging nagawa ay makaiskor ng run sa ikaanim na inning.
Sinabi ni Tanauan coach Ramil Mercado na ang 6-5 kabiguan nila sa ILLAM sa eliminations may tatlong araw na nakalilipas ang nagpainit sa kanyang mga bataan upang masungkit ang titulo sa Rizal Memorial ballpark.
Ayon pa kay Mercado ang Tanauan-ILLAM finals sa 16-18 years division ay ulit lamang sa finals sa 14-16 Senior League division noong nakaraang taon. Pareho din ang resulta para sa Tanauan--ang kanyang team sa loob ng 15 taon.
Sa Big League softball napagwagian naman ng Rizal ang korona nang igupo nila ang ILLAM, 3-2 habang nakaganti ang ILLAM at naibalik ang nawalang karangalan sa Senior League softball makaraang pigilan ang Bacolod-West, 7-2 na tumapos sa paghahari ng BW sa loob ng walong taon.
Tatangkain naman ng Tanauan ang Junior League (13-14) baseball crown kontra sa Muntinlupa sa kanilang pakikipagtipan sa ILLAM sa Rizal Memorial ballpark.
Sa Little League (11-12) sa Luneta, hindi nasustina ng Lipa City ang kanilang pananalasa nang yumuko ito sa ILLAM, 15-4 matapos igupo ang Manila 16-1 sa pang-umagang bakbakan.