Tuloy ang laro sa Dubai
Hindi naman pala totally cancelled ang out-of-the country game sa pagitan ng San Miguel Beer at Coca-Cola na nakatakda sanang gawin kahapon sa Dubai, United Arab Emirates.
Marami kasi tayong kaibigang nagtatrabaho sa Middle East na nag-email sa atin at nagsabing nanghihinayang sila’t hindi nakarating sa Dubai ang Beermen at ang Tigers. Gustong-gusto pa naman nilang makita ang mga iniidolong basketbolista na matagal na nilang namiss.
Kasi nga, kahit na nasa Middle East sila ay sinusubaybayan pa rin naman nila ang mga kaganapan sa PBA. Sa pamamagaitan ng panonood ng mga laro, kahit paano’y naaibsan ang kanilang “homesickness.”
Sabi nga ng iba’y handa silang magbayad para sa tickets kahit na mahal ito basta lang mapanood nila ang mga superstars ng liga. Pero hindi nga natuloy ang game.
Bakit?
Kasi nga’y hindi nakakuha ng visa ang karamihan sa mga manlalaro ng magkabilang koponan. Iyon ang balita.
Ang tanong nga diyan ay kung gaano ba katagal makakuha ng visa para sa UAE? Dapat ay na-anticipate ito ng PBA.
Hindi naman ito ang unang pagkakataong naglaro sa Dubai ang PBA, e. Noong nakaraang taon ay nagsagawa din ng official out-of-the country game ang PBA sa Dubai kung saan nagwagi ang Barangay Ginebra sa Purefoods Tender Juicy Giants, 92-83 noong Abril 13.
So, kung nagawa na ng PBA iyon noong nakaraang taon, aba’y wala dapat problema o aberyang nangyari ngayon.
E, kahit na ang mga players ng San Miguel at Coca-Cola ay nadismaya sa nangyari. Karamihan sa kanila’y excited sanang bumiyahe tungong Dubai.
Pero gaya nga ng nasabi natin, hindi naman kanselado ang game. May saysay pa rin namang maghintay at magbunyi ang mga kababayan natin sa Dubai at ang mga manlalaro ng Coca-Cola at San Miguel.
Kasi nga’y ni-reset ng PBA ang game na ito para sa Mayo 22. Bale ito ang magiging huling game ng 14-game elimination round. Sana kasi’y magwawakas ang elims sa Mayo 20.
Mayroon lang problema diyan. Una, baka wala nang bearing ang larong ito. Ikalawa, natural na dapat mabigyan ng oras ang San Miguel at Coca-Cola na makabalik sa bansa sa pagsisimula ng wildcard phase. Hindi sila puwedeng isabak kaagad sa aksyon lalo’t iisiping knockout ang ilang laro sa wildcard phase.
So, medyo hahaba ng kaunti ang schedule ng PBA.
Marahil ay okay na rin iyon!
- Latest
- Trending