Ateneo belles suportado ng OraCare sa Shakey's V-League

MANILA, Philippines - Lumakas ang pag-asa ng kampanya ng Ateneo para sa kauna-unahang titulo sa pagpasok ng Pascual Laboratories Inc. bilang isponsor ng team sa 6th season ng Shakey’s V-League na papalo sa Abril 19, Linggo sa The Arena sa San Juan City.

Ang PLI, sa pamamagitan ng kanilang produktong OraCare ang kauna-unahang corporate backer ng team sa pangunahing women’s volleyball league sa bansa, na humakot ng popularidad sa mga nagdaang taon.

“We want to help develop further women’s volleyball and we’re quite happy to be Ateneo’s sponsor and be part of the league,” ani Ding Camua, sports director ng PLI.

Nagtapos sa Ateneo at isang Hall of Famer, sinabi rin ni Camua na umaasa siya na ang pagpasok nila ay makakatulong din sa pagpapalakas ng kumpiyansa ng Lady Eagles sa kanilang pag-asinta sa kauna-unahang titulo sa torneong hatid ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision na may suporta din ng Mikasa, Accel at OraCare.

 “I think the team has a pretty good chance this year,” ani Camua sa koponan na dalawang linggong nagsanay sa Thailand bilang bahagi ng kanilang buildup para sa nalalapit na kumperensiya ng ikaanim na season ng liga.

Nananabik na ang Ateneo-OraCare, na babanderahan ng guest player na si Charo Soriano at makalimutan ang nakakadismayang tinapos na pampito sa nakaraang second conference.

Makakasama din ni Soriano sa Michelle Laborte-coached team sina Gretchen Ho, Averil Paje, Kara Acevedo, Bea Pascual, Angeline Gervacio, Fille Cainglet, Mishab Quimpo, Stephanie Gabriel, Aillyse Nacachi at Jam Ferrer.

Show comments