Ramos wagi sa Tagaytay City leg
TAGAYTAY CITY, Philippines -- Nagsisimula nang manalasa ang mga beterano sa Liquigaz-LPGMA Tour of Luzon habang nakuha naman ni Merculio Ramos ang karangalan sa Stage 2.
Pumadyak ng apat na oras, walong minuto at 32 segundo si Ramos upang pagharian ang 166 km. stage na nagmula sa Lucena patungo dito kung saan halos 30 minutong naantala ang mga riders sanhi ng trapiko sa Bauan, Batangas.
Apat na siklista, kabilang na si 2002 Calabarzon Tour champion Santy Barnachea, ang kasama ng 29 anyos na si Ramos na kumawala may 50 km, ngunit naiwan sa grupo makalipas ang 28 segundo.
“Pakiramdam ko unti-unti na akong nagpepeak,” anang My Photo skipper na si Ramos, na umagaw din ng yellow jersey sa kanyang kababayan at first stage winner na si Tomas Martinez ng Road Bike-7-Eleven team.
Si Martinez ay napalibutan ng mga paborito sa buong karera at nagtapos sa naturang yugto kasama ang ikaanim na grupo, limang minuto pagkaraang makatawid sa finish line ni Ramos.
At sa kabuuang oras na 7:51:00, hawak na ni Ramos ang overall ng may 33 segundo sa pumapangalawang si Joseph Millanes ng Road Bike-7 Eleven at 54 segundong bentahe naman kay Oscar Rendole ng Geo State-The Beacon.
Lumalapit naman si Lloyd Lucien Reynante na tumapos na pang-anim sa yugto at nasa ikaapat na sa overall. Nasa 5th overall naman si Road Bike-7 Eleven captain Dante Cagas.
Kasama din sa top 10 overall sina Barnachea ng Mobile Wonder/Magic Prints sixth, Hilson Mangahis ng Batang Tagaytay seventh, Martinez eighth, Joel Calderon ninth (DPT Law) at Rookie of the Year leader Jeffrey Monton ng Liquigaz 10th.
- Latest
- Trending