Go nais pang lumaro sa London Olympics

MANILA, Philippines - Sa edad na 27-anyos ay maliit na lamang ang tsansa ni national taekwondo jin Tshomlee Go na makasali sa Olympic Games sa 2012 sa London.

 Sinabi ni Go na kailangan pa rin niyang sumabak sa mga itinakdang Olympic qualifying tournament bago makalahok sa 2012 London Games.

 “Hindi naman madali ‘yan kasi dadaan ka pa sa mga qualifying tournaments,” wika ng Army First Class. “Pero kung papalarin ako ulit na makalaro sa London Olympic Games, siguro mas magiging masaya ako kasi baka ‘yon na ‘yung huli kong Olympics.”

 Dalawang sunod na beses nang kinatawan ni Go ang Pilipinas sa Olympic Games. Ito ay noong 2004 sa Athens, Greece at noong 2008 sa Beijing, China kung saan hindi siya nakapag-uwi ng anumang medalya.

 Kung mabibigyang muli ng pagkakataon, magiging 31-anyos na si Go kapag lumaban sa 2012 London Games.

 “May advantage and disadvantage rin on my part kung sakali. Ang advantage ko ay ‘yung experience ko na sa Olympics at ‘yung disadvantage ko naman ay mas bata, mas mabibilis at mas malalakas na ‘yung makakalaban ko,” ani Go.

 Bago isipin ang 2012 Olympic Games, nakasentro muna ang isipan ni Go sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre ng taong ito.

 Hangad ni Go ang kanyang pangatlong sunod na gold medal sa men’s under 67 kilogram category na kanyang dinomina noong 2005 at 2007 sa Philippines at Thailand SEA Games.

 “This will be my fifth SEA Games and I’m gunning for my third gold medal,” wika ni Go, ang bronze medalist sa 2007 World Championships sa Manchester, England na tumayong Olympic qualifiying para sa 2008 Beijing Games. “Hopefully, ako ulit ‘yung mag-champion sa category ko.” (Russell Cadayona) 


Show comments