LUCENA CITY , Philippines -Nasikatan ng magandang araw si Tomas Martinez nang maungusan nito ang kanyang kumpare sa Stage One ng Liquigaz-LPGMA Tour of Luzon.
Ang panimulang yugto na nagsimula sa Quezon City Memorial Circle na pinakamaikli sa karera sa 136 km ay kinapalooban naman ng Category 2 na akyatin sa Laguna at Quezon province na mapa-nganib na sa mga siklista maliban kina Martinez at kumpareng Joel Calderon at 19 anyos rookie na si Jefrrey Monton
Si Martinez, duty sergeant sa Air Force, ay naungunsan si Monton sa final 50 meters upang maghari sa yugto sa bilis na 3 oras, 39 minuto at 58.12 segundo.
Hinatak din ni Martinez, miyembro ng local trade team na kumampanya sa Asian multi-stage road race mula 2004 hanggang 2006, ang kanyang 7-Eleven sa team general classification lead.
Sumusunod lamang si Monton, ng Team Liquigaz, kina Martinez at Calderon sa bayan ng Teresa sa Rizal at nakakuha ng tsansang makaukit ng segundo sa bilis na 3:40.03.12 habang si Calderon na kapitan ng DPT Law ay pumangatlo sa tiyempong 3:40:08.12.
Isusuot ni Martinez ang yellow jersey sa unang pagkakataon sa kanyang pro career sa pagtungo ng karera sa Tagaytay sa Stage 2 sa Martes.
Ngunit tila nakakaramdam ng kaba si Martinez sa pagsusuot ng yellow jersey bagamat nagpahiwatig ito ng kagustuhan na mapanatili ang abande sa individual general classification ng event.
“Mainit tiyak pero pipilitin ko na i-maintain,” ani Martinez.
Nagtrabaho naman ng husto sina Martinez at Calderon bagamat tila kuntento naman sa pagpedal si Monton sa likuran ng dalawang beterano.
Umalis ng Quezon City ang mga siklsita sa ganap na alas-9 ng umaga pagkatapos paputukin ni Senator Chiz Escudero at Quezon City Rep. Nanette Daza-Castelo at councilor Winnie Castelo ang starting gun.
Hindi naman nayanig ang mga beterano sa pagsulpot ng baguhan.
Si Rhyan Tañguilig, 2004 champion at skipper ng Liquigaz, na kababalik lamang sa bansa makaraan ang apat na taong pagta-trabaho sa Dubai, ay nasa labas ng top 20 finishers, ng karerang inorganisa ng Liquigaz at Liquified Petroleum Gas Marketers Association.
Nasa ikaapat na grupo naman si Warren Davadilla, ang kampeon noong 1998 at 2006 sa bilis na 3:42:57.41.
Hindi rin nakalusot sa top 20 si Arnel Quirimit ng Happy Nuts habang kasama naman ng grupo ni Davadilla si 2005 winner Santy Barnachea.