Tuloy ang penitensiya?
MAGIGING productive kaya ang pagpapalit ng import ng Barangay Ginebra?
May mixed emotions ang mga fans ng pinakapopular na koponan sa bansa matapos na pauwiin nito ang beteranong si Rod Nealy.
Kasi nga’y hindi naman masagwa ang performance ng import na ito. Pinilit naman ni Nealy na buhatin sa kanyang balikat ang Gin Kings pero sa kabila ng kanyang efforts ay dalawang panalo lang ang naitala nila sa pitong laro.
Nagwagi ang Barangay Ginebra sa unang game nito sa Motolite-PBA Fiesta Conference nang payukuin nito ang Coca-Cola,110-103 noong Marso 4.
Puring-puri nga si coach Joseph Uichico kay Nealy noon dahil sa magandang numero ang naisumite nito. Sinabi ni Uichico na iyon ang dahilan kung bakit hindi sumugal ang Barangay Ginebra sa isang baguhang import. Alam ng Gin Kings kung ano ang puwedeng ibigay ni Nealy sa kanila.
Pero pagkatapos ng initial na tagumpay ng Ba-rangay Ginebra ay sumadsad na ang koponang ito at nakatikim ng limang sunud-sunod na kabiguan.
Mabuti na lamang at bago nagkaroon ng two-week break ang torneo upang bigyang daan ang paggunita sa Semana Santa ay nakatikim ulit ng panalo ang Gin Kings. Ginapi nila ang Barako Bull, 111-103 sa Panabo City, Davao del Norte noong Marso 28.
Sa kabila ng panalong iyon, nagdesisyon pa rin ang Barangay Ginebra na pauwiin si Nealy. Kasi nga’y may halos tatlong linggo pa bago ang sumunod na game ng Gin Kings kontra sa Rain or Shine sa darating na Biyernes. ‘Ika nga’y mahaba ang panahon para mapaghandaan nila ito. Kung kukuha sila ng bagong import, tiyak na makakapag-adjust kaagad ito sa kanilang sistema.
Ang kailangang import ng Barangay Ginebra ay isang do-it-all type. Yun bang hindi lang iiskor kundi tutulong din sa pagkuha ng rebounds at magpapapogi sa kanyang mga kasama.
May ilang pangalang nabanggit si Uichico bago mag-break. Kabilang dito sina Jasper Johnson ng Albuquerque Thunderbirds at Erick Daniels ng Erie Bayhawks na parehong koponan sa NBA-Developmental League. Okay naman ang credentials ng dalawang manlalarong ito at ang problema na lamang ay kung papasok sila sa itinakdang height limit na 6’6”.
Ang siste’y natapos at natapos na ang Semana Santa’y wala pa ring dumating na kapalit si Nealy. Binati nga natin ng Happy Easter si coach Uichico kahapon sabay tanong kung meron na silang import pero ang reply ay “wala pa. Happy Easter din”
Naku!
Aba’y magkukumahog ang Barangay Ginebra ngayon dahil apat na araw na lamang ay makakaharap na nila ang Rain or Shine. Alam naman nating matindi ang import ng Elasto Painters na si Jai Lewis at fresh na fresh ito dahil pinagbakasyon pa nga ito ni coach Caloy Garcia. Aba’y baka magpa tuloy ang penitensiya nina Uichico at mga bata niya!
Huwag naman sana.
- Latest
- Trending