Tour of Luzon papadyak ngayon

MANILA, Philippines - Aarangkada na ngayong umaga ang pinaka­hi­hintay na Tour of Luzon mula Quezon City hang­gang Que­zon province.

Pangungunahan ni two-time champion Warren Davadilla ng Regasco team at nina dating Tour winners Arnel Quirimit ng Happy Nuts, Rhyan Tanguilig ng Team Liquigaz/LPGMA at Santy Barnachea ng Mobile Wonders ang 90 siklistang mag-aagawan para sa P2 milyong cash prize.

Papagitna ang mga siklista sa nasabing seven-day race na magsisimula sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.

Nasa karera rin sina title contenders Lloyd Rey­nante­ ng American Vinyl, Merculio Ramos ng My Pho­tos­­ at ang pambato ng Team Batang Tagaytay na si Baler Ravina sa lababan rin para sa P500,000 team champion’s purse.

Ang Tour veteran na si Dante Cagas ang ma­mumuno sa 7-11/Road Bike Philippines, habang si Joel Calderon ang papadyak sa DPT Law at si Oscar­ Rendole ang magbabandera sa GoldEstate/The Beacon sa pagsasabuhay ng Tour na inorganisa ng Liquigaz at Liquefied Petroleum Gas Marketers Association­.

Buhat sa Quezon Memorial Circle, papadyak ang mga riders patungo sa Lucena City makaraan ang maikling opening rites na magtatampok kina Sen. Francis “Chiz’” Escudero, Quezon City Rep. Nanette Castelo-Daza at councilor Winnie Castelo. (RC)

Show comments