MANILA, Philippines - Upang mapaghandaan pang lalo ang inaasahang makinang na Baseball Philippines Series V, nagdesisyon ang pamunuan ng liga na ilipat ang opening ceremony mula Abril 12 tungo sa Abril 25.
Makulay ang inaasahang aksyon sa Series V ng torneong inorganisa ng Community Sports Inc. dahil maliban sa tagisan sa anim na koponan sa Baseball Philippines ay matutunghayan na rin ang aksyon ng apat na koponan sa panimulang edisyon sa Junior Baseball Philippines.
Sa naunang plano, ang Abril 12 ay katatampukan lamang ng opening ceremony at All-Star Game.
“Ikinonsidera rin ng liga ang pagkakaroon ng laro sa Philippine Series ng Little League at ang pag-aaral sa ilang rebisyon sa rules ng liga at ang kahilingan ng ibang team owners na magdaos din ng laro sa ibang lugar bukod sa Rizal Memorial Baseball Stadium para kailanganin ang pagbabago sa aming iskedul,” wika ni Chito Loyzaga na marketing director ng Community Sports Inc.
Ang Cebu Dolphins ay magbabalik at magtatangka sa kanilang ikatlong titulo habang ang mga hahamon sa kanila ay ang Dumaguete Unibikers, Batangas Bulls, Forward Taguig, Manila Sharks at Alabang Tigers na siyang humalili sa Muntinlupa.
Ang mga maglalaro naman sa Junior Baseball Philippines ay ang Alabang Cubs, Ilocos Norte Barakos, Cagayan Carabaos at Davao Eagles.
Ang laro sa Baseball Philippines ay ilalagay pa rin sa nine innings habang seven innings naman gagawin ang kompetisyon sa Juniors.
Unang laro sa magkabilang dibisyon ang mangyayari sa Abril 25 habang ang All Star Games ay itinakda sa Hunyo 12 kasabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng bansa.