MANILA, Philippines - Apat na dating champion at anim na elite riders ang pinili upang banderahan ang koponan na maglalaban-laban para sa karangalan sa Tour of Luzon na papadyak sa Abril 13 sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Inorganisa ng Liquigaz at Liquified Petroleum Gas Marketers Association, ang pitong araw na bikathon ay tatampukan ng 10 koponan na ang bawat isa ay bubuuin ng 9 na siklista na maglalaban para sa karangalan bukod pa sa cash prize na nakataya.
Sinabi ni LPGMA president Arnel Ty na ang mga koponan ay hahatakin ng mga dating kampeon at palagiang contenders sa tulad nina Arnel Quirimit, Warren Davadilla, Santy Barnachea at Rhyan Tanguilig na umaasam na madagdagan ang karangalan nila sa pagpasok nila sa kasaysayan.
Babanderahan ni Tanguilig, winner ng Tour Pilipinas 2004 ang Team Liquigaz habang ang 2003 champion na si Quirimit naman at two-time winner na si Davadilla ang napiling humatak sa Happy Nuts at Regasco Group, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang de-kalibreng riders na hahawak ng liderato ay sina Barnachea ng Mobile Wonder/Magic Prints, Lloyd Reynante ng American Vinyl, Merculio Ramos ng My Photo, Dante Cagas (Road Bike Philippines), Baler Ravina (Team Tagaytay), at Joel Calderon (DPT Law.
Bukod sa kabuuang P2M para sa team at individual winners, sinabi rin ni Ty na ang 12 riders ay awtomatikong makakasungkit ng slots sa national team sa ilalim ng liderato ni Tagaytay City Mayor Bambol Tolentino, president ng PhilCycling, ang federation na kinikilala ng world governing body na UCI (Union Cycliste Internationale). At ito ay sa pagtataguyod ng Victory Liner at Tour of Luzon Bike & Cafe, na tambayan ng mga siklista sa Asiana Powerstation sa Macapagal Highway na pinamamahalaan ni two-time Tour champion Renato Dolosa.