MANILA, Philippines – Lalo pang maglalagablab ang panahon sa pagbabalik ng mga aksyon sa Philippine Basketball League (PBL) sa Abril 14 para sa kanilang season-ending tournament.
Mula sa dating pitong koponan, limang tropa na lamang ang makikita sa torneo mula sa pagbabakasyon ng Toyota Otis ni coach Ariel Vanguardia at Burger King ni mentor Allan Gregorio.
Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si PBL Commissioner Chino Trinidad sa maibibigay na laro ng mga marquee players mula sa iba’t ibang eskuwelahan.
“Though we have only five teams now, the show must go on,” wika kahapon ni Trinidad. “Looking at the positive side, all five teams have equal chances of winning the title since they have all the tools to be a contender.”
Muling lalahok sa torneo ng PBL ang Magnolia Purewater, Hapee Toothpaste, Pharex, Bacchus Energy Drink at Oracle na dating Harbour Centre ni Jorge Gallent.
Ibabandera ng Magnolia ni Koy Banal sina dating San Beda star Ogie Menor at Marcy Arellano ng University of the East bukod pa kina Al Magpayo, Neil Raneses at Dylan Ababou, miyembro ng national team ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Sa pagbabakasyon ng Toyota Otis, nakuha ng Hapee ni Gee Abanilla sina dating La Salle gunner JV Casio at ang kamador ng Jose Rizal University na si James Sena.
“We have a very competitive team this time but I hope we can translate it to victories,” ani Complete Protectors’ team manager Bernard Young. “JV has already started practicing with us.”
Ipaparada naman ng Oracle ni team owner Mikee Romero sina Rico Maierhofer, Edwin Asoro, Benedict Fernandez, Mark Barroca, JR Cawaling, Aldrich Ramos, Mark Baracael at RJ Jazul.
Nahugot naman ng Bacchus ni Lawrence Chongson sina dating Letran center Brian Faundo, Jason Ballesteros ng San Sebastian, Christian Luanzon at Brian Ilad, habang maglalaro para sa Pharex sina James Mangahas ng La Salle, Dave Marcelo ng San Beda, Nestor David at Fil-Am Joey Deas. (Russell Cadayona)