Paalam, phoenix!
Ga-buhok na lang ang pag-asa ng Phoenix Suns na makapasok sa NBA playoffs. Sa pagsulat nito, may anim na laro pang natitira sa kartang 42 panalo at 34 talo. Pansiyam ang Phoenix sa malakas na Western Conference. Hinahabol nila ang Dallas Mavericks, na pasok pa rin sa kartang 45-31.
Kung sakaling maipanalo ng Phoenix ang natitira nilang laro, at matalo ng tatlo ang Dallas Mavericks, may pag-asa pa ang Phoenix sa playoffs. Ito ang magiging kauna-una-hang pagkakataon na di pumasok sa playoffs si Shaquille O’Neal. Matapos ang tatlong championship sa Los Angeles at isa sa Miami, ang layo ng ibinagsak ni Shaq.
Ang masakit nito, kung nasa Eastern Conference ang Suns, panlima sana sila sa 55.3 percent ng naipanalo nilang laro. Una pa sana sila sa Philadelphia, Miami, Detroit at Chicago. Kaso nga lang, nasa West ang Phoenix.
Noong isang araw, tinambakan ng Suns ang Sacramento Kings, 139-111, dala ng 29 puntos at siyam na assist ni Steve Nash. Pero hindi tunay na pamantayan ang Kings, na wala nang pag-asang pumasok sa playoffs, dahil nangungulelat sila sa West.
Ngayong araw, kalaban ng Phoenix ang Dallas, at maganda ang tsansa nilang maipanalo ito. Medyo malambot ang Dallas, at walang masyadong laro sa loob. Hirap na rin si Dirk Nowitzki na dalhin ang koponan pag pukpukan ang laban, at bumagal na si Jason Kidd. Pag di kalakasan ang kalaban, walang problema sa Dallas. Pero buhay na ang ipinaglalaban ng Phoenix, kaya may panibago silang apoy.
Malaki na rin ang ipinagbago ng Phoenix sa huling taon. Nawala si Shawn Marion, isa sa pinakamagaling na defensive player nila. Injured naman si Amare Stoudemire, na kayang depensahan ang halos lahat ng manlalaro sa NBA. At nawala ang ilan sa magagaling na support player nila, tulad nila Raja Bell at Boris Diaw.
Mahal ang ipinagbayad ng Suns para lang masungkit si Big Diesel mula sa Miami Heat. Marami ang nagduda na magiging epektibo ang trade na nagdala kay O’Neal sa Suns, lalo na’t matanda na siya’t malaki ang kanyang kontrata. Sabi nila, baon daw si Shaq para sa playoffs. Pero ngayon, malabong umabot pa sila doon. At naging limitado ang laro ni Shaq dala ng injury at katamaran.
Ngayong araw pa lang, magkakasingilan.
- Latest
- Trending