MANILA, Philippines - Idinagdag sina import Tiras Wade at Shawn Daniels sa lineup ng bisitang Hoopzdream-Australia selection para sa ikalawang laro ng goodwill series kontra sa Powerade Team Pilipinas ngayon sa Araneta Coliseum.
Ito ang naging desisyon ni PBA commissioner Sonny Barrios upang makapagsilbi ng husto ang event na layuning mabigyan ang RP team nang mahigpit na tune-up games sa kanilang paghahanda sa tatlong nalalapit na international tournaments.
Matapos magmintis sa kanilang unang limang tira, dinomina na ng Nationals ang Aussies, 87-63 sa opener ng Motolite RP-Australia Goodwill Games noong Biyernes.
At sa pagkakadagdag nina Wade at Daniels-- dalawa sa pinakamagaling na import na naglalaro sa PBA Fiesta Conference-- mabibigyan ng magandang laban ng Hoopzdream ang Nationals sa kanilang Game 2 ngayong alas-6:30 ng gabi.
Ang Phoenix Petroleum na sumusuporta sa serye ay magbibigay ng P75,000 sa bawat laro.
Bago ito, nakatakda namang magharap ang UP Lady Maroons at FEU Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon.
Bagamat hindi gaanong kalakasan ang hamon ng Aussies, nagpasalamat na rin si National coach Yeng Guiao at nabigyan sila ng tune-up games.
Sinabi ni Guiao na magandang senyales ang ipinakita ng kanyang players at nakapag-adjust na rin sila sa physical game at mga tawag ng FIBA referees.
Umaasa itong ang Jones Cup ang isa sa magiging magandang sukatan sa kahandaan ng koponan na umaasang makakapasok sa Magic Three sa FIBA-Asia Championship sa Agosto at slot sa 2010 World championship sa Istanbul. (Nelson Beltran)