Powerade Team Pilipinas vs Australia
MANILA, Philippines - Sasabak sa aksiyon ang Powerade Team Pilipinas, na naghahanda para sa puwesto sa 2010 World Championship, sa unang pagkakataon sapul nang mabuo ito noong Nobyembre sa kanilang pakikipagharap sa Australian White Sharks ngayong gabi sa una ng dalawang nakatakdang goodwill game series sa Araneta Coliseum.
Ang Nationals na sabik ng lumabas at makikipaglaban sa matatangkad na Aussies sa ganap na alas-7 ng gabi, ay nais na rin malaman kung hanggang saan na ang narating ng team sapul nang magsimula silang magsanay noong nakaraang taon.
Ito ang unang tune-up games ng Nationals may dalawang buwan na ang nalalabi patungo sa kanilang pagsabak sa SEABA championship sa Medan, Indonesia, na qualifier para sa Southeast Asian teams para sa FIBA-Asia championship na nakatakda sa Agosto sa China.
Dumating kahapon ang Great White Sharks na binubuo nina NBL superstars Bruce Bolden, Graeme Dann, Anthony Susnjara at Eban Hyams Brad Williamson, Michael Cedar, Tony Lalic, Goran Veg, Terry Amir, Leslie Coe, Sam Tsegay, Mark de Riviere at Patrick Pilae.
Ang Nationals naman ay babanderahan nina Tokushima Olympic qualifier veterans Asi Taulava, Kerby Raymundo, Jayjay Helterbrand, Mick Pennisi, Gabe Norwood at Kelly Williams, at Tokushima reserves James Yap at Ranidel de Ocampo at mga bago sa team na sina Arwind Santos, Sonny Thoss, Willie Miller, Cyrus Baguio, Ryan Reyes at Jared Dillinger.
Bago rito, maghaharap muna ang UAAP junior champion Ateneo Blue Eaglets at NCAA title-holder SSC Staglets sa alas-5 ng hapon. (Nelson Beltran)
- Latest
- Trending