ORMOC City, Philippines – Mula sa pagkakakilala sa kanila bilang ‘hotbed’ ng mga sikat na professional boxers, tatanghalin ngayon ang Cebu bilang probinsyang napagkukunan ng mahuhusay na amateur fighters.
Kamakalawa, nasambot ng Cebu ang kanilang kauna-unahang Smart/ABAP Visayas Area Amateur Boxing Championship mula sa pagdomina sa nasabing torneong pinaghaharian ng mga Bago City-based fighters.
Nakapagpapasok ang Cebu ng 17 boxers sa Finals, habang may 14 naman ang Bago City sa naturang four-division tournament na itinaguyod nina Ormoc City Mayor Eric Codilla at Kananga town chief executive Elmer Codilla.
Sa nasabing six-of-six faceoff, apat ang ipinanalo ng Cebu kumpara sa dalawa ng Bago City.
Nagtapos naman ang Bacolod City bilang third-placer na tinampukan ng 16-2 panalo ni Juren Labordo kay Velmark Dignos ng Cebu sa 37-38.5 Kg category ng School Boys division.
Tinalo naman ng 13-anyos na si Jack Tepora si Alvin Sibuga ng Bacolod City, 22-7, sa 38.5-40Kg School Boys kung saan siya tinanghal na Best Boxer.
Ang iba pang umagaw ng eksena ay sina Youth Girls campaigner Christy Jan Rivas ng Bacolod City sa kababayan niyang si Stefanie Melliguen via RSC sa 1:33 ng first round; Rogen Ladon ng Bacolod sa 11-1 paggupo kay Espiridion Pubadura ng Iloilo sa Junior Boys Division’s Best Boxer.
Ang iba pang gold winners sa Kids Division ay sina Jimmy Barazon, nanalo kay Rommel Tagamolila ng Bago (14-1); Raymart Alera ng Bago sa kanyang kakamping si Junriel Jimenez (15-3) at Christian Cordova kay Olivar Cordova (13-4).