Batang boxers nagpasiklab
KANANGA, Leyte, Philippines - Umiskor ng impresibong panalo si Ronald Ellensac ng Northern Samar sa pagtuntong ng mga batang may edad 11-12 noong Martes ng gabi sa elimination round ng ginaganap na 1st Smart/ABAP Area Boxing Tournament sa Kananga Municipal Gym dito.
Umiskor ng Referee-Stopped-Contest (RSC) si Ellensac sa kanyang grupo upang makapasok sa semis ng 29 kgs. class.
Isa pang umeksena ay si Margarito Moya ng Cebu City na blinangko s Jade Acuna ng Bacolod City 12-0 sa kanilang 31 kgs. 3-round bout.
Dinesisyunan naman ni Ryan James Flores ng Bago City si Jeory Amante ng Bacolod City, 17-6 upang umabante sa susunod na round ng 29 kg event habang nagwagi naman sina Melmark Dignos (28kg) ng Cebu at Raymary Alera (35 kg) ng Bago City sa pamamagitan ng walk over sa mga kalaban na sina Gerald Pangkarutan at Danny Quinalona, ayon sa pagkakasunod, na kapwa hindi ito sumipot.
Iniligtas naman ni School Boys campaigner Juren Labordo ang araw para sa kanyang mga batang kakampi sa Bacolod nang magwagi ito kay Ardie Boyose ng Cebu-A, 20-7, habang nagwagi din si Vilmark Dignos sa pama-magitan ng walkover kay Robert Ellinas ng Northern Samar.
Ang nag-iisang laban sa Junior Boys category ay sa pagitan nina Jhonriel Maugro na umiskor ng upset sa 48 kg. makaraang patigilin si Gerry Mancio ng Cebu City-B sa 1:15 ng opening round.
Nanaig din sa pamamagitan ng stoppage si Adriano Pescante ng Cebu City sa Youth Boys class, nang nangailangan lamang ito ng dalawang rounds para makaiskor ng RSC kay Junrey Redondo ng Ormoc City-A sa 45 kg at Martin Cordova ng Bago City ay nanaig naman kay Rogelio Pepito ng Ormoc-A sa pamamagitan ng RSC may 1:49 ang nalalabi sa first round.
Sa mas mabigat na 54 kg. division, dinomina ni Julito Taustumban ng Cebu City-A si Edmon Lachica ng Manpla, Negors Occidental ang opening bell pa lamang at umiskor ng RSC may 1:20 pa ang nalalabi. Nanaig din si Timoteo Altubar ng Cebu City-B kay Leoni Bordeos ng Northern Samar, 15-8.
- Latest
- Trending