PEACE OF MIND

Tiyak na maraming napailing at na-shock sa mga kaganapan sa daidig ng boxing noong nakaraang linggo at ang sentro ng kontrobersya ay ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na puspusan na ang paghahanda para sa kanyang laban kontra Ricky Hatton.

Hindi nga ba’t nagsimula na ngang makipag-spar itong si Pacquiao at napatumba pa niya ang isang nakaharap sa ring. So, ibig sabihi’y umpisa pa lang ng sparring sessions niya’y nandoon na agad ang kanyang bangis.

Pero kasabay ng sapakan sa ring ay nagkaroon ng tug-of-war sa pagitan ng Solar Sports at ABS-CBN. Ito’y matapos na ihayag ni Pacquiao na binabale-wala na niya ang kontrata sa Solar at magiging kapamilya na siya ulit.

Iyon ang shocking!

Marami tayong boxing fans na nagtanong: “Puwede ba niyang gawin iyon?”

Kasi nga’y may existing contract si Pacquiao sa Solar hanggang sa 2011. Puwede ba talaga niyang bale-walain ang kontratang iyon nang basta-basta at lumipat sa ABS-CBN?

 Aba’y kahit na siya ay iniidolo ng buong Pilipinas at marahil ng buong mundo, hindi puwedeng talikuran ni Pacquiao nang basta-basta ang obligasyong napapaloob sa isang kontratang kanyang nilagdaan.

Mabuti na lamang at naayos ang lahat. Nagtungo sa Estados Unidos si Solar Sports president Wilson Tieng at chief operating officer Peter Chanliong upang makipag-usap kay Pacquiao at sa dakong huli’y nagkasundo sila.

Rerespetuhin ni Pacquiao ang kanyang kontrata sa Solar at ang kanyang laban kontra Hatton ay ipalalabas sa Solar television at GMA-Channel 7. Echa-puwera muna ang ABS-CBN.

Back to normal na ang lahat at ang sugat o galos na nilikha ng pansamantalang kontrobersya ay kalilimutan na.

Na siyang dapat na mangyari. Kasi halos anim na linggo na lang ang nalalabi bago ang salpukan nila ni Hatton. Hindi kailangan ni Pacquiao ang ganito o anumang klase ng distractions sa kanyang paghahanda.

Kasi kung nagpatuloy ang kontrobersya, baka magkaroon ng malaking bentahe si Hatton at sa dakong huli, hindi lang si Pacquiao, ang Solar Sports ang ABS-CBN at ang GMA 7 ang malungkot. Baka buong sambayanang Pilipino ang mangalumbaba!

Ngayo’y makakausad na si Pacman sa kanyang sparring sessions ay mayroong “peace of mind.”

Hindi naman ang alinmang networks sa Pilipinas ang kalaban niya, e.

Si Hatton ang kalaban!

Show comments