MANILA, Philippines - Ilang kapana-panabik na laban na tatampukan ng amateur at pro fighters mula sa ating bansa at Thailand ang maglalabu-labo sa Marso 25 simula alas-5:30 ng hapon sa 9th Gabriel “Flash” Elorde Boxing Awards - Banquet of Champions sa Manila Hotel Tent City.
Magtitipun-tipon ang World, International at national champions sa taunang event na hatid ng PAGCOR, SMART, Alaxan, Tanduay at Family Rubbing Alcohol kung saan masasaksihan din ang pagbibigay parangal kay Manny Pacquiao bilang pinaka-mahusay na Pound for Pound Boxer of the World at ang paglalagay sa yumaong si Pancho Villa, world flyweight champion noong 1920’s, sa Elorde Hall of Fame.
Nakipagtambalan kamakailan ang pamilya Elorde, host ng awards, sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) na pinamumunuan ni chairman Manny Pangilinan at president Ricky Vargas kasama sina ABAP sec. general Pato Gregorio at executive director Ed Picson at SMART Communications upang madala ang dual match na ito ng mga pangunahing amateur boxers ng bansa kontra sa mga dating national youth champions ng Thailand.