Pacquiao, idedemanda ng Solar Sports
MANILA, Philippines - Hindi basta-basta babalewalain ng Solar Sports ang lahat ng kaganapan at idedemanda nila si Manny Pacquiao at ang higanteng television network na ABS-CBN para sa damages na nagkakahalaga ng P150M.
“We will sue Manny (Pacquiao) and ABS-CBN,” mariing wika ni Atty. Enrique dela Cruz ng Solar Sports dahil sa biglang pagtalikod ni Pacquiao sa kanila at makipagkasundo muli sa ABS-CBN.
Balido pa ang kontrata ni Pacquiao sa Solar Sports para sa pagasaere ng kanyang mga laban hanggang 2011 ngunit kamakailan lamang ay inihayag nito sa telebisyon mula sa Los Angeles kung saan siya naroon ngayon, na ibibigay niya ang kontrata sa ABS-CBN.
“We will file a case - in-junction and damages, including ABS-CBN for tortuous interference. Pinakialaman niya yung isang (They meddled into one) valid contract,” ani Dela Cruz.
Kapag nadiin, sinabi rin ni Dela Cruz na hihingan nila ng P150M danyos si Pacquiao. May mga ulat na hindi ganito kalaki ang tatanggapin ni Pacquiao mula sa ABS-CBN.
“We’re still estimating but that’s the ballpark figure. Solar has gotten into contracts for the Ricky Hatton fight with its sponsors and advertisers. We need to cover. Baka kami ang mademanda,” aniya.
Hindi pa makontak si Pacquiao tungkol dito. Nasa Los Angeles ito ngayon para sa May 2 fight niya kay Hatton sa Las Vegas.
Samantala, sa ipinadala naman ng GMA network na pahayag, dismayado sila sa naulat na desisyon ni Pacquiao na ilipat sa ABS-CBN ang pagsasa-ere sa kanyang laban.
Binigyan linaw ng GMA na ang kontrata sa pagsasa-ere ng laban ni Pacquiao ay usapan sa pagitan nina Pacquiao at ng Solar Sports at hindi ng GMA networks.
Si Pacquiao ay may dalawang programang nasa GMA-- ang Totoy Bato at Pinoy Records at may mga alok pa sa entertainment ngunit dahil sa biglaang kaguluhan, rerebisahin muna nila ito.
Ayon kay Atty. Dick Perez ng GMA-7 may hiwalay na kontrata si Pacquiao sa network
Sinabi rin ni Perez na hindi nila pinahihintulutan si Pacquiao na lumabas sa ABS-CBN. Ngunit walang binanggit ang GMA kung kakasuhan nila si Pacquiao.
May mga ulat na kaya umano binalikan ni Pacquiao ang ABS-CBN ay dahil malaki ang maitutulong nito sa kanyang kampanya sa 2010 election kung saan kakandidato ito sa congress.
Sa Los Angeles, hindi nagpapaapekto si Pacquiao sa mga kaganapan dito sa Pinas.
“May mga tao ako dyan para mag-asikaso (I have people there to take care of things),” aniya kay ABS-CBN sportscaster Dyan Castillejo. (Abac Cordero)
- Latest
- Trending