MANILA, Philippines - Sapat na ang halos 20 taon para tuluyan nang isuko ni Hector Navasero ang kanyang pamamahala sa Philippine Amateur Baseball Association (PABA).
Kahapon, pormal na binitawan ni Navasero, nagsimulang mamuno noong 1986, ang kanyang posisyon sa pagtatakda ng eleksyon para sa mga bagong opisyales ng PABA sa Abril 19 sa Naga City.
Ang naturang aksyon ni Navasero ay bunga na rin ng pangongolekta ng ilang baseball groups ng pirma para sa petisyong patalsikin na siya bilang PABA chief.
“When I took office in 1986, nobody wanted to lead baseball because its popularity has dwindled and it’s an expensive sport to maintain with at least 22 players in a team. But now, everybody seems to be interested in assuming the PABA presidency,” wika ni Navasero.
Sa ilalim ng liderato ni Navasero, naisama ang baseball event sa Southeast Asian Games noong 2005 patungo sa pag-angkin ng mga Filipino clouters sa gold medal.
Kabilang sa mga posibleng papalit kay Navasero sa PABA top post ay sina vice president Eliseo “Ely” Baradas, Dumaguete Unibikers team owner at PABA youth development supporter Atty. Felipe Remollo at Philippine Tot Baseball Federation head Rodolfo Tingson Jr.
Sinabi ni Navasero na agad niyang ipapaalam sa Philippine Olympic Committee (POC) ang pagtatakda niya ng eleksyon para sa kinatawan ng huli. (Russell Cadayona)