MANILA, Philippines - Malalim na karanasan ang nakuha ng University of the East (UE) men’s basketball team, Red Warriors mula sa katatapos pa lamang nilang foreign trip makaraang sumabak sa limang matitikas na school teams sa 2009 Ming Dao International Basketball Tournament sa Taipei.
Kababalik lang kamakailan dala ang kanilang first runnerup trophy, tinalo ng UE Red Warriors ang Taoyuan Sports Institute of Taiwan at ang Chines University of Hong Kong upang magaang na mapanalunan ang kanilang una at ikalawang laro kung saan umabante sila ng mahigit sa 40 puntos.
At sa sumunod nilang laban, kinailangan ng UE Warriors na magpawis ng husto bago nila nakuha ang come from behind na panalo kung saan umahon ang Rector based dribblers mula sa 18-point deficit mula sa kalabang Taichung Sports Institute of Taiwan sa kanilang penultimate game at nakuhang manalo ng UE sa pamamagitan ng huling dalawang basket kasabay ng pagtunog ng orasan.
Tanging masaklap na kabiguang nalasap ng UE ay ng mabigo sila sa ikatlong laro kung saan ibinaon ang Warriors ng Kyung Hee University of Korea.
Ayon kay coach Chongson, ang nasabing tournament na ‘3-in-1 trip ay nagbigay sa kanyang tropa ng international competition, nagbigay rin ito ng oportunidad upang lalo pang magkalapit ang mga manlalaro sa isa’t isa at ito rin ang unang pagkakataon na ang mga play-ers ay nakaranas na dumayo ng laban sa labas ng bansa.
Nag-uwi rin ang UE Red Warriors ng US$1,200 prize money bilang 1st runner-up.