MANILA, Philippines - Nilinis na ang lahat ng magiging hadlang para sa pinakahihintay na Tour of Luzon na muling papagitna sa kalsada sa pagpadyak ng 7-day cycling race sa Abril 13 sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Inorganisa ng Liquigaz at Liquefied Petroleum Gas Marketers Association, ang multi-stage bikathon ay tatam-pukan ng 10 team kung saan maglalaban-laban ang may 90 siklista ng bansa para sa karangalan bukod sa premyong cash.
Sinabi ni LPGMA president Arnel Ty na ang mga koponan ay hahatakin ng mga dating kampeon at palagiang contender ng mga nagdaang karera tulad nina Arnel Quirimit, Warren Davadilla, Santy Barnachea at Rhyan Tanguilig na umaasam madagdagan ang kanilang pahina ng tagumpay sa libro ng Tour.
Si Tanguilig, na nagbakasyon makaraang makopo ang korona ng Tour Pilipinas noong 2004 ay magbabalik upang katawanin ang Team Liquigaz habang sina Quirimit, 2003 champion at two-time winner Davadilla ang hahawak sa Happy Nuts at Regasco Group, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang dekalibreng siklista na naatasang bumandera sa mga koponan ay sina Barnachea sa First Republic Farm, Lloyd Reynante sa DPT Law, Merculio Ramos sa My Photo, Dante Cagas (Road Bike Philippines), Baler Ravina (Team Tagaytay), Sherwin Carrera (Mobile Wonder/Magic Prints) at Lito Atilano (American Vinyl).
Sinabi ni Race Manager Paquito Rivas, na namumuno ng Professional Cycling Association of the Philippines na siyang magpapatakbo ng karera, na may final briefing ang 90 riders sa Huwebes, alas-10 ng gabi sa Amoranto Velodrome sa Quezon City.
Ang ibang pang isponsor ng karera ay ang Victory Liner at Tour of Luzon Bike & Cafe, ang Asiana Powerstation sa Macapagal Highway na pinamamahalaan ni two-time champion Renato Dolosa na siya ring opisyal na bike supplier ng karera.
Bukod sa kabuuang cash prize na P2M sa team at individual winners, sinabi ni Ty na ang top 12 riders ay awtomatikong makakapasok sa national team sa ilalim ng liderato ni Tagaytay City Mayor Bambol Tolentino, pangulo ng PhilCycling, ang pederasyon na kinikilala ng UCI (Union Cycliste Internationale).
“These riders are all aching to get back on the road. Liquigaz has gone out of its way not only to keep them competitive, but also to help them earn as professional cyclists,’’ ani Ty.