MANILA, Philippines - Kagaya ni Lydia De Vega, ililihis rin ni Elma Muros ang interes ng kanyang anak na si Klarrizze sa volleyball mula sa athletics.
Ito, ayon sa beteranong sprinter, hurdler at long jumper na si Muros ay bunga ng kakulangan ng epektibong programa ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA).
“Disappointed kasi ako sa athletics natin ngayon kaya baka sa volleyball ko na lang paglaruin ang anak ko,” sabi ni Muros, may kabuuang 15 gintong medalya sa Southeast Asian Games kung saan ang walo rito ay mula sa long jump event.
Sa kabila ng pagiging ‘Asia’s Sprint Queen’, mas pinaboran ni De Vega ang kanyang anak na si Stephanie na subukan ang volleyball na nagresulta ng pagbibida nito sa pagrereyna ng De La Salle University sa katatapos na UAAP voleyball tournament.
Ayon kay Muros, nagretiro noong 2002, hindi maihahalintulad ang pagpapatakbo ni Director Michael Keon sa Project: Gintong Alay noong 1980’s sa pagpapatakbo ngayon ni Go Teng Kok sa PATAFA. (Russell Cadayona)