Caguioa darating na!

Aba, hindi maganda ito’ng nangyayari sa crowd-favorite Barangay Ginebra na nakalasap ng dalawang magkasunod na kabiguan sa Motolite-PBA Fiesta Conference. Parang nahihilahod na naman ang Gin Kings!

Nagbunyi ang mga fans ng Gin Kings matapos na talunin nila ang Coca-Cola Tigers, 110-103 sa kanilang unang laro noong Marso 4. Matindi ang naging performance ng nagbabalik na import na si Rod Nealy na talagang naging unstoppable.

So, inisip ng karamihan na magtutuluy-tuloy ang magandang start na iyon at makakasunud-sunod ang mga panalong itatala ng Barangay Ginebra. Kumbaga’y parang sinabi ng karamihan na perfect si Nealy sa Gin Kings.

Pero tila flash-in-the-pan lang ang nangyaring iyon. Kasi, makaraan ang dalawang araw ay natalo ang Gin Kings sa Burger King, 110-106. At noong Marso 11 ay naungusan ng Sta. Lucia Realty ang Barangay Ginebra, 80-76 upang bumagsak ang Gin Kings sa 1-2 record.

Patunay lang ito na kapag nadepensahan si Nealy at nalimita ang puntos nito’y mahihirapan ang Gin kings.

Kumbaga’y hindi puwedeng gawin ni Nealy ang lahat. Kailangan niya ng suporta buhat sa mga locals at tila si Jayjay Helterbrand pa rin ang nalalabing consistent sa mga ito.

Well, tila may good news para sa Gin Kings fans dahil ayon sa mga sources, magbabalik na sa Pilipinas ang superstar na si Mark Caguioa sa Marso 23. Okay na raw ang pakiramdam nito at wala nang iniinda pang injury.

 Matagal na rin namang hinintay ng mga fans ang pagbabalik ng manlalarong tinaguriang “The Spark” na hindi nakapaglaro sa kabuuan ng Philippine Cup. Malaking bagay sa opensa ng Barangay Ginebra si Caguioa dahil sa nakakatuwang siya ni Helterbrand.

Biruin mong kung makakasabay nina Nealy at Helterbrand si Caguioa, magiging three-pronged attack ang kanilang opensa. Hindi puwedeng ituon ng kalabang koponan ang buo nilang depensa kay Nealy dahil sa mayroong ibang puputok sa katauhan ni Caguioa na mahirap pa namang pigilan.

Kung totoo nga sa March 23 pa dadating si Caguioa, puwede na itong pakinabangan sa March 25 game ng Gin Kings kontra sa sumisingasing na San Miguel Beer.

 Pero ibig sabihin ay dalawang games pa ang titiyagain ng tropa ni coach Joseph Uichico habang hinihintay si Caguioa.

Makakaharap nila ang Rain or Shine sa Miyerkules at ang Alaska Milk sa Marso 20.

Ang tagal naman dumating ni Mark!

Show comments