Peñalosa sa Wild Card uli magsasanay

MANILA, Philippines - Matapos ang maikling training session sa isang boxing gym sa San Juan, Puerto Rico ay agad na babalik si Filipino world bantamweight champion Gerry Peñalosa sa Wildcard Gym sa Hollywood, California.

Sinabi ng 36-anyos na si Peñalosa sa panayam ng Fightnews.com na kailangan niyang magsanay nang husto sa hangaring makuha ang inaasam niyang ikatlong world boxing crown.

 “I’m training extremely hard as I know I’ll have a strong fighter in Juan Manuel Lopez in front of me come April 25th,” ani Peñalosa na maghahamon kay World Boxing Organization (WBO) super bantamweight titlist Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico.

Nakatakda ang laban nina Peñalosa, ang kasalukuyang WBO bantamweight king, at Lopez sa Abril 25 sa Coliseo Ruben Rodriguez sa Bayamon, Puerto Rico.

Bukod sa WBO bantamweight title, nahawakan na rin ng tubong San Carlos City, Cebu ang World Boxing Council (WBC) super flyweight belt.

Tangan ni Peñalosa ang 54-6-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, habang ibinabandera naman ni Lopez ang kanyang malinis na 24-0-0 (22KOs) card.

Sa kanyang pagdating sa United States, sinabi ni Peñalosa na kaagad niyang susuungin ang maigting na preparasyon sa Wildcard Gym ni trainer Freddie Roach.

Si Roach ay nasa United Kingdom ngayon kung saan niya gigiyahan si Briton Amir Khan para sa lightweight fight nito kay Mexican boxing legend Marco Antonio Barrera sa MEN Arena sa England.

Sa ilalim ni Roach, dalawang beses tinalo ni Pacquiao ang 36-anyos na si Barrera noong 2004 at 2006. (Russell Cadayona)

Show comments