Partida ng Tropang Texters
Balik na ang dating buti ng Talk N Text at iyan ay ‘cause for concern’ para sa Burger King Titans sa kanilang paghaharap mamayang hapon sa Muntinlupa City.
Inamin naman ni coach Vincent “Chot” Reyes na ‘off-form’ ang Tropang Texters sa simula ng torneo kaya sila natalo sa Purefoods Tender Juicy Giants, 131-121 at sa Sta. Lucia Realty, 106-100.
Katunayan, si Purefoods coach Paul Ryan Gregorio mismo ang nagsabi na ang game plan nila kontra sa Talk N Text ay takbuhan ang mga ito dahil sa naniniwala siyang medyo mabigat pa ang katawan ng kanilang kalaban noon.
Na siyang totoo. Kasi nga’y galing ang Tropang Texters sa isang gruelling best-of-seven series kontra sa Alaska Milk kung saan namayani sila, 4-3 upang makamtan ang kampeonato ng Philippine Cup.
At natural na pagkatapos magkampeon, nagdiwang ang Tropang Texters. Katakut-takot na parties ang nangyari. Hindi kaagad sila nag-ensayo. Bilang pabuya sa kanilang accomplishments, hindi sila sinagad sa practice at papetik-petik lang siyempre sila.
Bukod dito’y huli ding dumating ang kanilang import na si Tiras Jamaal Wade. So kaunting panahon lang ang nagugol nila para sa ‘bonding.’
Matapos na matalo sa Realtors, isang linggong diretso ang ginawang pagsasanay ni Reyes sa mga bata niya. At ‘hard practice’ iyon ha!
Kaya naman nagbunga ng maganda ang kanilang ginawa dahil sa tinambakan nila ang Coca-Cola Tigers, 133-111 noong Miyerkules. At mamaya nga’y medyo pinapaboran sila kontra sa BK Titans na galing naman sa 114-105 pagkabigo laban sa San Miguel Beer.
Kung babalikan ang kampanya ng Talk N Text sa nakaraang Philippine Cup ay makikitang nagwagi sila sa unang dalawang games nila pero sumadsad sa 3-5 sa kalagitnaan ng elimination round. Nakabawi sila buhat doon at nakuha pa nila ang isa sa dalawang automatic semifinals berths. At nagkampeon!
So, hindi naman talaga ‘cause for concern’ para sa Tropang Texters ang pagkatalo nila sa unang dalawang games sa Fiesta Conference. Kasi alam ni Reyes na kayang makabangon ng kanyang team. Nagawa na nila iyon sa Philippine Cup.
At dahil sa may puso na sila ng kampeon, puwede nilang ulitin iyon sa Fiesta Conference.
Kung magwawagi ang Tropang Texters sa Titans mamaya, malamang na kabahan na ang mga teams na nasa itaas ng standings. Kasi, parang balewala ang 0-2 start dahil kayang humabol nina Reyes at mga bata niya.
- Latest
- Trending